SINABI ng pulisya na aabot lamang sa 80,000 ang mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo ang dadalo sa Philippine Arena bukas, dahilan para babaan ng mga opisyal ng traffic management ang kanilang naunang pagtaya kaugnay ng epekto nito sa trapiko sa kahabaan ng North Luzon Expressway.
Nakatakdang ganapin ng INC ang taunang Grand Evangelical Mission.
Idinagdag ni Senior Supt. Ferdinand Divina, Bulacan police director, na magpapakalat ng tinatayang 500 pulis para tulungan ang 180 traffic personnel ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at 20 pulis mula sa Highway Patrol Group.
Ayon pa kay Divina, tiniyak ng pamunuan ng INC na hindi mauulit ang nangyari noong Hulyo kung saan ipinagdiwang ang anibersaryo ng simbahan sa Philippine Sports Stadium, na katabi ng Philippine Arena. Umabot ng tatlong oras ang naranasang trapik matapos namang gawing paradahan ng mga dumalo ang tatlong lanes ng NLEX, kayat isang lane na lamang ang naiwan sa mga motorista sa northbound.