LAGANAP sa buong bansa ang problema sa droga at parang hindi na kaya ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na masugpo ang pagkalat ng bawal na gamot.
Kahit sa likuran mismo ng Camp Crame , headquarters ng Philippine National Police (PNP), ay may nadiskubreng 12 drug dens!
Napakasama ang nagagawa ng pinagbabawal na gamot sa lipunan.
Isang tatay ang pumatay sa kanyang misis at dalawang anak sa San Pedro, Laguna, noong isang araw habang bangag siya sa droga.
Sinabi ng salarin na si Ruel Marana, “Iniwan na kami ni Jesus” nang siya’y nahuli at nakulong sa kanyang ginawa.
Ang taong nasa impluwensiya lamang ng droga ang gagawa ng ganoong kahindik-hindik na krimen at sisisihin si Jesukristo na walang kinalaman sa kanyang katarantaduhan.
Ang mga tatay na bangag lang sa droga ang makakagagawa na lapastanganin ang kanilang anak na babae.
Isang taong bangag lang sa droga ang may tapang na mangholdap ng jeepney sa mga panahong ito kahit alam niya na tiyak papatayin siya ng mga pulis kapag siya’y nahuli sa akto.
Ang susunod na Pangulo ng bansa ay dapat may kamay na bakal upang masugpo ang laganap na problema sa droga.
Hindi natin kailangan ang presidente na babakla-bakla o yung umiiwas na may masabing di mabuti sa kanya ang mga international and local human rights groups sa pagsugpo sa krimen at droga.
Kailangan natin ang isang Pangulo na nasa kalibre ni Davao City Mayor Rody Duterte na nilinis ang kanyang lungsod ng mga pusakal na kriminal at talamak na pushers at drug traffickers.
Nakapanayam ko si Duterte nang dumalo siya sa lamay noong nakaraang linggo ng aking yumaong tiyahin na si Consejo Teshiba-Veradio.
Nang tinanong ko siya kung ano ang gagawin niya upang masugpo ang problema sa droga kung siya ay Pangulo ngayon ng bansa.
Walang pag-aalinlangan ang kanyang sagot: “Iuutos ko na tepokin lahat ng drug pusher at drug trafficker at magtatayo ako ng rehabilitation centers sa bawa’t probinsiya at siyudad.”
Kailangang walang compromise sa pagsugpo sa pagkalat ng pinagbabawal na gamot, ani Duterte.
Ganoon kalaganap ang pagkalat ng droga.
Kapag hindi nagsagawa ng radikal na hakbang ang gobiyerno na gaya ng gagawin ni Duterte kung siya’y Pangulo, baka maging kagaya ang Pilipinas ay magiging Colombia, isang bansa sa South America kung saan kinatatakutan ang drug lords ng mga awtoridad sa halip sila ang matakot sa gobiyerno.
Sa Colombia , ang mga pulis at mahistrado na ayaw tumanggap ng drug money sa mga drug lords ay pinapatay.
Gaya ng nangyayari sa ating bansa, ang mga drug lords na nakakulong ay VIP treatment sa loob ng bilangguan at doon sila nagpapatakbo ng kani-kanilang mga sindikato.
Darating ang panahon na baka mangyari ang kinatatakutan ng mga matitinong mamamayan: Karamihan sa ating mga kabataan ay lulong na sa pinagbabawal na gamot. Halos lahat ating mga opisyal ay hawak sa leeg ng mga drug lords.