Mga Laro Ngayon
(Changsha, China)
9:30 a.m. Kuwait vs Hong Kong
11:45 a.m. Philippines vs Palestine
2:30 p.m. Iran vs Japan
4:45 p.m. South Korea vs Jordan
7:30 p.m. Singapore vs China
9:30 p.m. Taiwan vs Lebanon
BUBUKSAN ngayon ng Gilas Pilipinas ang kampanya hindi lamang para maangkin ang kampeonato sa Asya kundi ang makakuha ng puwesto para sa 2016 Olympics na gaganapin sa Rio de Jenairo, Brazil.
Unang makakasagupa ng Gilas Pilipinas sa pagbubukas ng 2015 FIBA Asia Championship nga-yon ang Palestine sa Changsha Social Work College’s Gymnasium sa Changsha, China.
Sa huling pagtatanghal ng torneyo ay tumapos sa pangalawang puwesto ang Pilipinas sa likod ng nagdedepensang kampeong Iran samantalang ito ang unang pagsabak sa FIBA Asia ng Palestine.
Mag-uumpisa ang laban alas-11:45 ng umaga pagkatapos ng opening game sa pagitan ng Kuwait at Hong Kong na kasama ng Pilipinas at Palestine sa Group B.
Bagaman pitong linggo lamang naghanda ang Gilas Pilipinas ay kinukunsidera ang bansa bilang isa sa paborito sa torneyo. Isa sa dahilan ay ang paglalaro ng natura-lized Pinoy na si Andray Blatche na beterano ng National Basketball Association.
Hindi nakapaglaro si Blatche para sa Pilipinas sa nakaraang FIBA Asia pero nakasama naman siya ng koponan sa FIBA World Cup noong isang taon kung saan nag-average siya ng 21.2 puntos at 13.8 rebounds kada laro.
Sa kabuuan ay nakapaglaro lamang ng 13 ‘tune-up’ games sa Estonia, sa Jones Cup at sa MVP Cup ang koponang hinahawakan ni coach Tab Baldwin.
Sumailalim din ang koponan sa limang araw na training camp sa Cebu noong isang linggo.
Gayunpaman, kampante si Baldwin na makakahataw ang kanyang koponan sa torneyong ito.
Bukas ay makakalaban ng Pilipinas ang Hong Kong at sa Biernes ay makakaharap nito ang Kuwait.
“We have some games that we believe are important for us – obviously window games,” sabi ni Baldwin. “We will take our opponents very seriously… but those games should also prepare us for the later round of the tournament where you’ll play the top teams from Asia.”
Ang magka-kampeon sa FIBA Asia tournament ay mabibigyan ng silya para sa 2016 Olympics. Ang iba pang miyembro ng “Gilas 3.0” ay sina Jayson Castro, Ranidel de Ocampo, Gabe Norwood, Marc Pingris, Asi Taulava, Sonny Thoss, Dondon Hontiveros, JC Intal, Matt Ganuelas-Rosser, Calvin Abueva at Terrence Romeo.