NANGINGINIG si Coco Martin nang tanggapin ang kanyang tropeo para sa Fernando Poe Memorial Award na iginawad sa kanya ng FAMAS. Ang manager niyang si Biboy Arboleda ang nag-abot sa kanya nito sa grand presscon ng seryeng Ang Probinsiyano noong Lunes ng gabi.
Hindi nakarating ang aktor sa FAMAS awards night dahil nasa Naga City siya para sa promo ng TV Adaptation ng Ang Probinsiyano. Sabi ni Coco, “Humihingi po ako ng paumanhin dahil hindi ako nakarating kahapon dahil sa commitment ko po sa Naga.
“Sobrang laking karangalan po ito para sa akin dahil sa napakabatang panahon ko para sa industriya ay nabigyan ako ng ganitong klaseng award.
Sabi ko nga po, hinahangaan po namin ng lola ko si FPJ, ngayon po ginawaran ako ng karangalan sa pangalan po ni Fernando Poe, Jr.
“At sana po, bilang artista, ‘yung mga bagay na kanyang si-nimulan, mga adhikain para sa a-ting industriya sana maging daan din po ako para makatulong din sa industriya, maraming salamat po,” aniya pa.
Kaagad namang sinagot ni Ms. Susan Roces ang mga pahayag ni Coco, “Ang karangalang iyan ay mula nu’ng pumanaw si FPJ, ay naisipan naming bigyan ng karangalan ang mga taong lalo na sa industriya na nagsasabuhay sa mga adhikain ni FPJ.
At sa taong ito, si Coco ang karapat-dapat na tumanggap niyan, congratulations, Coco.” Anyway, mapapanood na ang most awaited TV adaptation ng Ang Probinsiyano ni FPJ sa Set. 28 pagkatapos ng TV Patrol kasama ang magagaling na artistang sina Ms. Susan, Coco, Joey Marquez, Agot Isidro, Bela Padilla, Jaime Fabregas, Arjo Atayde, Maja Salvador, Ana Roces, Dennis Padilla, Lester Llansang, Marvin Yap, Pepe Herrera, John Medina, Michael Jornales, Gio Alvarez, Ramon Christopher, Zaijian Jaranilla, Simon Pineda, Malou Crisologo, Malu de Guzman at iba pa.