Poe una pa rin sa survey; Mar naungusan na si Binay, Duterte bumaba

binay-poe-roxas
Nananatiling pinapaboran si Sen. Grace Poe na pumalit kay Pangulong Aquino subalit malaki ang nabawas sa kalamangan nito sa kandidato ng administrasyon na si Mar Roxas.
Batay sa survey ng Social Weather Station mula Setyembre 2-5, nakakuha si Poe ng 47 porsyento mula sa 42 porsyento noong Hunyo.
Noong nakaraang linggo lamang nagdeklara si Poe na tatakbo at ang kanyang makakatambal ay si Sen. Francis Escudero.
Tuluyan naman naungusan ni Roxas si Vice President Jejomar Binay na siyang unang nagdeklara na tatakbo sa pagkapangulo.
Si Roxas ay nakakuha ng 39 porsyento mula sa 21 porsyento. Siya ang may pinakamalaking itinaas na umabot ng 18 porsyento.
Ikinatuwa naman ni YACAP Rep. Carol Jane Lopez ang malaking pagtaas si Roxas.
“Now it’s down to 8 points. This is by far the biggest jump for Mar with an increase of 86% from his June survey,” ani Lopez.
Nananawagan si Lopez ng national debate upang mas makilala umano ng mga botante ang mga kandidato.
Bumaba naman si Binay ng isang porsyento at ngayon ay nasa 35 porsyento.
Ika-apat naman si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na nakakuha ng 16 porsyento mula sa 20 porsyento. Nauna ng nagsabi si Duterte na hindi siya tatakbo subalit ayon sa kanyang mga suporter ay hindi sila susuko sa pagkumbinsi rito at maglulungsad pa ng 1 million signature campaign.
Kinuha sa survey ang 1,200 respondents mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Mayroon itong ±3 porsyentong error of margin.
Ang mga respondents ay tinanong kung sino ang tatlong napipili nilang pumalit kay Aquino.

Read more...