NAARESTO sina dating Palawan governor Joel T. Reyes at kanyang kapatid na si Mario sa Phuket, Thailand noong Linggo.
Sinabi ng isang opisyal ng Task Force Usig na matagal nang wanted ang magkapatid na Reyes kaugnay ng pagpatay sa environmentalist na si Dr. Gerry Ortega.
Idinagdag ng opisyal na nakikipag-ugnayan na ang Thai police na may hawak sa magkapatid para sa agarang deportation ng dalawa.
Ayon naman sa isa pang opisyal, inaresto sina Mario at Joel ng mga opisyal ng immigration dahil sa overstaying sa Thailand.
Noong 2012, naglaan si Pangulong Aquino ng P2 milyong pabuya para maaresto ang “Big Five,” kasama na ang Reyes brothers, Army Maj. Gen. Jovito Palparan, Globe Asiatique developer Delfin Lee at dating Dinagat Island Rep. Ruben Ecleo Jr.
Si Ecleo na lamang ang hindi naaresto sa limang pinaghahanap na mga suspek.
Kinumpirma ng asawa ng biktima na si Patty Ortega na nasabihan na sila ng mga otoridad hinggil sa pagkakaaresto ng magkapatid.
Sinabi naman ng anak ni Ortega na si Mica noong una’y ayaw pa nilang maniwala sa balita.
Umalis ng bansa ang magkapatid na sina Joel at Mario, na dating mayor ng Coron, Palawan noong Marso 2012 ilang buwan matapos silang kasuhan ng Department of Justice at magpalabas ng warrat of arrest laban sa kanila ang Palawan Regional Trial Court.
Pinatay si Ortega, na kilalang brodkaster at environmental crusader sa Palawan ng nag-iisang salarin sa kabayanan ng lungsod noong Enero 24, 2011.
Naaresto ang bumaril na si Marlon Recamata, na umamin sa krimen sa Puerto Princesa police.