Walang karanasan vs ‘corrupt’ vs ‘teka-teka’

TATLONG pares, sinong pipiliin?

MAY 25 araw na lang bago ang deadline ng pagpa-file ng certificate of candidacy. Tatlong pares na ang namumuo: Grace Poe-Chiz Escudero ng Partido Pilipinas; Jejomar Binay at Bongbong Marcos ng UNA; Mar Roxas at ang nililigawan niyang si Leni Robredo ng Liberal Party.

Nawala sa eksena si Sen. Alan Cayetano samantalang si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ay may “million man march” daw sa Sept. 26. Kailangan daw ito bago magpasya.

Mahirap talaga ang mga pagpipilian natin ngayong eleksyon lalo pa’t lahat sa kanila ay may mabibigat na isyu.
Si Poe, American citizen daw, hindi natural born, kulang sa 10 year residency at walang karanasan. Kapag siya ay natalo sa citizenship at residency issues sa Comelec at Supreme Court, si Chiz daw ang tatakbo bilang replacement candidate sa pagkapangulo. Pag nanalo, si Chiz ang magpapatakbo ng gobyerno.

Si Binay naman, na- ging nuno ng corruption matapos ang 24 Senate blue ribbon sub-committee hearings. Kaliwa’t kanan ang isinampa niyang kaso versus dating vice mayor Mercado, Bondal. Iginiit na paninira lang ang lahat.

Si Sen. Marcos na nababalitang magiging kanyang bise na bagamat naging magaling na gobernador at senador ay anak ng “Conjugal Dictatorship.” Paano nga naman daw magsasama ang human rights lawyer na si Binay at Marcos? Pero, sa pulitika ay walang permanenteng kaaway.

Si Roxas na nangangakong itutuloy ang “daang matuwid,” at anino ni PNoy ay sinasabing mabagal, teka-teka, incompetent, manhid at “cacique” o anak mayaman. Hindi siya makakalimutan ng mga taga-Eastern Visayas noong Yolanda at maging sa Zamboanga City siege. Bukod dito, ang kapalpakan sa nagkaloko-lokong MRT, at ang may sovereign guarantee na LRT1 extension. Kapag nanalo si Roxas, lusot na sila sa DAP, PDAF at marami pang anomalya.

Maging si Duterte kinulayan din. Meron daw cancer sa lalamunan at ang kanyang partisipasyon sa mga salvaging sa Davao city. Meron daw mga police asset na inihahanda para siraan si Digong kaya bantulot daw ito sa pagkandidato. Kapag nanalo ito, diktadurya ang mangyayari sa atin at marami ang mamamatay.

Kung aalisin natin ang mga kanya-kanyang isyu at tingnan ang kapabilidad mamuno ng mga kandidato, masasabing sina Binay at Roxas lang ang may karanasan sa pambansang pamamahala. Ibig sabihin, kayang-kaya ng dalawang ito na patakbuhin agad ang ating gobyerno.

Ang problema lang ay kung saan papunta ang kanilang plataporma. Para ba talaga sa bayan o baka sa interes lang ng mayayaman at negosyante?

Si Poe naman, dahil sa kawalang karanasan, ay magiging “on the job training” sa Malakanyang sa unang mga taon ‘pag nanalo at magaya kay PNoy noong 2010. Si Escudero ang kanyang “saving grace” sa pamamahala.

Sa aking palagay, mas hinahanap ng mga botante ngayon ang kandidato na magbibigay solusyon sa kanilang mga problema.

Kandidato na hindi manghuhula, o kaya’y sasangguni sa sangkatutak na advisers dahil siya mismo ay hindi makapagdesisyon. Naniniwala ako na marami pang malalaman ang taumbayan sa mga nalalapit na “presidential debates”.

At sana tapusin na ang “siraan” dahil lahat sila ay sira na. Tanungin na lang kung ano ang kanilang gagawin sa mga problemang kinakaharap ng bansa. Mga konkretong plano hindi pambobola sa publiko.

Read more...