Mapua Cardinals center Allwell Oraeme napiling NCAA Player of the Week

IBINIGAY kay Allwell Oraeme ang ACCEL Quantum/3XVI-NCAA Press Corps Player of the Week citation matapos ang kahanga-hangang sipag sa paghablot ng rebounds.

Sa kauna-unahang pagkakataon sa 91st NCAA men’s basketball ay kumulekta si Oraeme ng 30 rebounds sa magkasunod na laro para lumawig ang winning streak ng host Mapua sa anim na sunod at makasalo na ang Arellano University sa mahalagang ikaapat na puwesto sa 10-5 karta.

Ginawa ng 6-foot-9 Nigerian center ang marka kahit wala si Mapua head coach Fortunato ‘Atoy’ Co na suspendido ng dalawang laro.

Maliban sa rebounding ay nakakatulong pa si Oraeme sa pagpuntos at siya ay gumawa ng 18 puntos sa 82-77 panalo laban sa Letran at may 15 sa 81-76 tagumpay sa Chiefs.

“Rebounding is all about will and Allwell just wants to get that rebound,” wika ni Mapua assistant coach Ed Cordero na siyang dumiskarte sa huling dalawang laro.

“He’s still raw. We’ve been telling him to be patient and be coachable because there are brighter things to come to him,” dagdag ni Cordero.

Kailangan ng koponan na hindi mawala ang determinasyon ni Oraeme dahil sunod nilang makakalaban ang five-time defending champion San Beda sa Setyembre 25.

Sina Earl Scottie Thompson ng University of Perpetual Help na may anim na triple-double na sa liga ngayong season at Paolo Pontejos ng Jose Rizal University ang iba pang manlalaro na ikinonsidera sa citation na mula sa mga kumukober ng NCAA.

Read more...