PINANGATAWANAN nina Patrick John Tierro, Johnny Arcilla at Francis Casey Alcantara ang matataas na estado nang madaling nilusutan ang mga nakalaban sa 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open-Cebuana Lhuilier Wildcard Tournament round-of-32 kahapon sa PCA clay court sa Paco, Maynila.
Ang 29-anyos at nagdedepensang kampeon na si Tierro ay umani ng 6-1, 6-1 tagumpay kay Neil Tangalin, ang seven-time champion na si Arcilla ay may 6-1, 6-0 panalo sa 16-anyos na si Abson John Alejandre habang ang Davis Cupper na si Alcantara ay kumulekta ng 6-4, 6-2 tagumpay kay Joel Atienza.
“Nakakapag-adjust na rin konti. Sobrang bagal ang court at madulas kaya hindi puwedeng masyadong magalaw,” wika ng 35-anyos na si Arcilla.
Ang round-of-16 ay gagawin sa Miyerkules at ang sunod na kalaro ni Arcilla ay si Arthur Craig Pantino na umani ng 5-7, 6-2, 6-0 panalo laban sa beteranong si Kyle Parpan.
“Kapaluan ko siya sa Philippine Tennis Academy at magaling din siya kaya hindi puwedeng magkumpiyansa,” wika pa ng dating national player.
Sunod na kapaluan ni Tierro ay si Noel Damian Jr. na umani ng 6-7(8), 6-1, 6-2 panalo kay 15th seed Arcie Mano habang kalaro ni Alcantara ang magwawagi kina 12th seed Roel Capangpangan at Kristian Tesorio.
“Pang-apat ko ng PCA ito at best finish ko ay dalawang semifinals. Kailangan kong magpakita ng magandang performance dito at sa dalawang Futures para makakuha ng sponsors sa gagawin kong campaign sa labas ng bansa,” wika ni Alcantara sa kanyang misyon sa palarong suportado ng Cebuana Lhuillier, Puma, Dunlop, Head, Babolat, Compass/IMOSTI, Philippine Star at Sarangani Rep. Manny Pacquiao.
Sina 8th seed Ronard Joven at 10th seed Fritz Verdad ay umabante rin. Tinalo ni Joven si Raymond Diaz, 6-1, 6-2, at si Verdad ay bumangon sa pagkatalo sa first set laban kay Mart Clarence Cabahug, 5-7, 6-1, 6-0.
Isa lamang kina Joven at Verdad ang uusad dahil sila ang magkatapat sa susunod na round.
Hindi naman pinagpawisan si Stefan Suarez sa pag-abante dahil hindi sumipot sa laro si 9th seed Marc Reyes.