Pati mga negosyante apektado na sa kasikatan ng AlDub

yaya dub

Ibang klase talaga ang panghalina sa publiko ng AlDub. Maraming kababayan natin ang nagpalit ng schedule ng kanilang lakad nu’ng nakaraang Sabado para lang masaksihan ang makasaysayang unang date nina Alden Richards at Maine Mendoza na sikat na sikat nang si Yaya Dub ngayon.

Account executive ng isang malaking kumpanya ang kaibigan namin, kinontra-abiso nito ang kanyang kliyente nu’ng Biyernes pa lang na hindi nito matutupad ang usapan nilang ala una nang hapon, dahil tatapusin muna nito ang Eat Bulaga kalyeserye.

“No sweat, hindi ako nahirapang magsabi. Hindi pa ako natatapos magsalita, e, sinabi na agad ng client ko, ‘Please, huwag muna. Tapusin muna natin ang date nina Alden at Yaya Dub!’ Pasok!” tawa nang tawang kuwento ng aming kaibigan.

Kinilig na naman ang buong bayan ni Juan, kani-kanyang hampasan ng braso na naman ang naganap, naluha na naman sa sobrang pagkakilig ang mga loyalista ng AlDub.

Maganda ang pagkakalatag ng kuwento ng kanilang pagkikita, hindi nila binigo ang kanilang mga tagasuporta, pero sa bandang huli ng istorya ay isang magandang aral ang kanilang iniwanan sa publiko.

Hindi pinipilit ang panahon dahil mapakla ‘yun, kailangang nakikinig pa rin ang mga kabataan sa mga mas nakatatanda sa kanila, kung ginagamit ng umiibig ang kanyang puso ay kaila-ngang balanse ang sitwasyon sa kasabay na paggamit ng isip.

Mahigit na twelve million tweets ang nakuha ng kalyeserye nu’ng Sabado. Phenomenal ang tambalan nina Alden Richards at Yaya Dub.

Paminsan-minsan lang dumarating sa kasaysayan ng lokal na aliwan ang ganito katinding po-pularidad. Mabuhay ang AlDub nation!

Read more...