Mga Laro sa Martes
(The Arena)
2 p.m. EAC vs Perpetual
4 pm. San Sebastian vs San Beda
Team Standings: San Beda (11-3); Letran (11-4); Perpetual Help (10-4); Arellano (10-5); Mapua (10-5); JRU (9-6); *San Sebastian (4-10); *St. Benilde (3-12); *Lyceum (3-12); *EAC (2-12)
* – eliminated
NAGWAGI ang mga nasa ibabang koponan para guluhin pa ang tagisan sa Final Four sa 91st NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ang Jose Rizal University ang naglagay ng tuldok sa panggugulat ng mga dehadong koponan nang kanilang ipatikim sa Letran ang pangalawang sunod na pagkatalo sa 86-80 iskor sa ikatlong laro.
Si Paolo Pontejos ay naghatid ng 21 puntos na pinasigla ng dalawang malalayong triples upang palamigin ang pananakot ng Knights sa 70-69 iskor.
Kasama ang tatlong puntos si John Ervin Gorospe, ang Heavy Bombers ay nakapagpakawala ng 13-2 palitan para palobohin ang kalamangan sa 10, 82-72, sa huling 3:29 sa orasan.
Ito na ang ikatlong sunod na panalo ng tropa ni JRU coach Vergel Meneses para manatiling palaban sa puwesto sa Final Four sa 9-6 baraha.
Ito ang unang pagkakataon sa season na lumasap ng dalawang sunod na kabiguan ang Knights para isuko ang liderato sa San Beda sa 11-4 marka.
Ikaanim na sunod na panalo ang inilista ng host Mapua sa 81-76 pangingibabaw laban sa Arellano habang sumandal uli ang all-around game ni Earl Scottie Thompson ang Perpetual Help para sa 70-47 paglampaso sa talsik ng St. Benilde.
Sa ikalawang sunod na laro ay humablot ang 6-foot-9 import ng Cardinals na si Allwell Oraeme ng 30 rebounds bukod sa paghatid ng 15 puntos para makatabla na ng koponan ang Chiefs sa mahalagang ikaapat na puwesto sa 10-5 baraha.
Ito ang ikalawang sunod na laro na hindi nakasama ng Mapua ang head coach nitong si Fortunato Co pero kita pa rin ang determinasyon at intensidad ng mga players nang naisantabi nila ang mahinang ipinakita sa unang tatlong yugto sa pinakawalang 27-14 palitan sa huling yugto.
Sina Exequiel Biteng, Justine Serrano at Mark Brana ay naghatid pa ng 15, 14 at 11 puntos para makatulong ni Oraeme.
Si Thompson ay naglista ng kanyang ikaanim na triple-double sa liga sa 21 puntos, 10 rebounds at 10 assists para solohin na ng Altas ang ikatlong puwesto sa 10 panalo matapos ang 14 laro.