Lim, Arcilla umabante sa PCA Open tennis

NAGPASIKLAB agad ang number one junior netter ng bansa na si Alberto Lim Jr. nang hiritan ng 8-0 panalo ang qualifier na si Rey Mayo sa pagbubukas ng kampanya sa 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open-Cebuana Lhuillier Wildcard Tournament kahapon sa PCA clay court sa Paco, Maynila.

Nakita ang karanasang nakuha sa paglalaro sa labas ng Pilipinas, kasama ang tatlong US events at tampok ang US Open Juniors championship noong nakaraang linggo, parang walang naging problema ang fourth seed na umabante sa second round.

“Hindi pa po ako satisfied sa ipinakita ko dahil sluggish pa ako. Pagod pa rin dahil kababalik lang mula US matapos ang three tournaments sa Canada, Washington at US Open. Naninibago pa rin sa clay court na madulas at dry,” wika ng 16-anyos at ngayon ay world number 25 ranked sa junior players.

Pangalawang laro niya kahapon ay laban kay Rodolfo Barquin at inaasahang wala ring magiging problema sa hangaring pumasok sa Last 32 na paglalabanan sa Linggo.

“Quarterfinalist ako last year at natalo ako kay kuya Johnny (Arcilla) and this year, one match at a time lang,” ani pa ni Lim.

Ang six-time champion na si Arcilla ay humugot din ng 8-2 panalo kay Laurence Joy Obdina at bumalik uli ng court para sa second round match na hindi rin magiging problema dahil sa kanyang mas mataas na lebel ng paglalaro.

Samantala, nagwagi uli ang nagdedepensang kampeon na si Patrick John Tierro kay Ken Phillip Paradela, 8-0, para pangunahan ang mga manlalarong nasa Last 32 na.

“May feel na sa court dahil second game ko na ito,” wika ni Tierro sa dominanteng panalo.

Abante na rin sina third seed Elberto Anasta, ninth seed Fil-Italian Marc Reyes at 15th seed Arcie Mano nang nanalo sa ikalawang sunod na laro sa torneong suportado ng Cebuana Lhuillier, Puma, Dunlop, Head, Babolat, Compass/IMOSTI, Philippine Star at Sarangani Rep. Manny Pacquiao.

Pahinga ngayon ang men’s division dahil sisimulan ang bakbakan sa kababaihan.

Read more...