SIYAMNAPU’T pitong araw na lang ay Pasko na! Pero para sa Gilas Pilipinas 3.0, puwedeng mapaaga ang pagdating ng Kapaskuhan.
Kasi’y tutungo ang ating national team sa Changsha, China upang lumahok sa FIBA Asia Championship na gaganapin mula Setyembre 23 hanggang Oktubre 3.
Magugunitang ang Pilipinas ay sumegunda sa Iran noong 2013 nang ang torneo ay ganapin sa Maynila. Bunga ng pagsegundang ito ay nakabalik tayo sa World Championship na idinaos sa Spain noong nakaraang taon.
Ang nakataya sa Changsha ay ang oportunidad na makarating sa Rio de Janeiro, Brazil para sa 2016 Summer Olympics. Ang siste’y isang ticket lang patungong Brazil ang nakataya. Walang pakunsuwelo sa second placer.
So, target ng lahat ng koponang kalahok sa FIBA Asia Championship na maiuwi ang titulo upang makadiretso sa Rio! Matindi! Tiyak na bugbugan ang mangyayari. Walang magpapatalo.
Bukod sa Iran na siyang defending champion, natural na lubhang malakas ang team na kakatawan sa China. Sila ang host, e. Hindi nila hangad na mapahiya sa kanilang mga kababayan!
Kaya naman tiyak na doble-doble ang pressure sa balikat ng mga Pinoy na ngayon ay hawak ng bagong national coach na si Tab Baldwin.
Extensive naman ang naging paghahanda ng Gilas Pilipinas 3.0. Kabilang dito ang paglahok sa isang pocket tournament sa Europe at ang mini tournament din na idinaos kamakailan sa Araneta Coliseum — ang MVP Cup. Idagdag pa rito ang pagsegunda ng Gilas Pilipinas 3.0 sa nakaraang Jones Cup tournament.
Ang tanong ay kung sapat na ang paghahandang ito. Bukod dito, tanong din ng iba kung sapat na ang manpower ni Baldwin?
Hindi naman natin mabibigyan ng katugunan ang mga katanungang ito, e. Iba kasi ang Gilas 2.0 sa Gilas 3.0. May lakas at kahinaan ang dalawang teams na ito.
Malalaman natin ang kasagutan sa mismong torneo na. Pero kung puso ang pag-uusapan, aba’y hindi na tinatanong iyan. Palaban tayo!
Para sa kaalaman ng lahat, huli tayong naglaro sa basketball competition ng Olympics noong 1972 sa Munich, Germany. Pagkatapos ay hindi na naulit iyon.
Sa taong iyon ay hindi pa isinisilang ang PBA. Hindi pa nga isinisilang ang sinumang miyembro ng kasalukuyang Gilas 3.0. Si Asi Taulava na siyang pinakamatandang miyembro ng team ay wala pa noon.
Kabilang sa mga miyembro ng Philippine team na pumunta sa Munich sina Narciso Bernardo, Tembong Melencio, Adriano Papa, Ed Ocampo, Jimmy Mariano, Danny Florencio, Bogs Adornado, Joy Cleofas, Yoyong Martirez at Manny Paner.
Mula noon hanggang ngayon pinangarap ng mga Filipino basketball players na makarating sa Olympics na siyang rurok ng ambisyon ninuman. Pero walang sinuwerte, e.
Lumakas na kasi nang husto ang mga dating inilalampaso natin dito sa ating rehiyon. Umasenso na ang mga ibang bansa kung basketball ang pag-uusapan.
Pero bumabawi na tayo ngayon. Baka sakaling suwertehin tayo dahil sa maganda naman ang ating programa at determinado ang liderato ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na pinamumunuan ni Manny V. Pangilinan.
At siguro kung pakikinggan ang dasal ng buong bayan, magtatagumpay tayo’t makakapunta sa Rio!
* * *
Happy birthday kay Rheena Villamor na nagdiriwang ngayon, September 19. Gayundin kina Silliman Sy, Lowell Yaya, Mark Macapagal, Nap Gutierrez at Robin Sison (Sept. 20), Maryann Prieto, Cassie Umali at Seppie Cristobal-Villareal (Sept. 21), Chris Cantonjos (Sept. 22), Jon Hernandez III, Amiel Alejandro Bueno, Mark Molina at Troy Yaw (Sept. 23), Xai Lamento at Francis Adriano (Sept. 24), Jason Webb at Marilette Jose (Sept. 25).