San Beda tatangkaing tumabla sa No. 1 spot

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
2 p.m. San Sebastian vs EAC
4 p.m. San Beda vs Lyceum
Team Standings: Letran (11-3); San Beda (10-3); Arellano (10-4); Perpetual Help (9-4); Mapua (9-5); JRU (8-6); x-San Sebastian (3-10); x- St. Benilde (3-11); x-Lyceum (3-11); x-EAC (2-11)
x -eliminated

PAGTATANGKAAN ng San Beda na ibalik ang sarili sa pakikisosyo sa liderato sa pagharap sa talsik ng Lyceum sa 91st NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Ang laro ay magsisimula dakong alas-4 ng hapon matapos ang no-bearing game sa pagitan ng San Sebastian College at Emilio Aguinaldo College sa ganap na alas-2 ng hapon.

Ang Stags (3-10), Generals (2-11), Pirates (3-11) at College of St. Benilde (3-11) ay namaalam na sa liga.

Dinurog ng five-time defending champion Red Lions ang Pirates sa unang pagkikita, 97-74, at patok na patok na walisin ang kanilang serye para masaluhan ang pahingang Letran sa itaas ng team standings sa 11-3 karta.

Natalo sa huling laro laban sa University of Perpetual Help, 86-88, nagkaroon uli ng pagkakataon ang tropa ni San Beda coach Jamike Jarin na makabalik sa itaas nang natalo ang Knights sa host Mapua, 77-82, noong Martes.

“We have another chance to do what we failed to do in our last game. Hopefully, we can execute our game plan,” wika ni Jarin.

Hindi nagkukumpiyansa si Jarin dahil hindi na mahalaga ang makukuhang resulta ng Pirates kaya’t inaasahan niyang maglalaro nang husto ang mga ito.

“They have nothing to lose and everything to gain in this match. We have to be ready,” dagdag ni Jarin.

Sina Ola Adeogun, Arthur dela Cruz at Baser Amer ang mga mangunguna uli para sa Red Lions upang mapalakas ang paghahabol sa unang dalawang puwesto na magkakaroon ng twice-to-beat advantage sa Final Four.

Sa ngayon ay anim na koponan ang palaban pa sa Final Four at bukod sa San Beda at Letran ay nakatuon pa rin ang Arellano University, Perpetual Help, Mapua at Jose Rizal University.

Read more...