Ateneo dinaig ang NU sa double overtime; UE ginapi ang Adamson

Mga Laro sa Sabado
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. Ateneo vs UE
4 p.m. NU vs UST
Team Standings: UST (3-0); UP (2-1); FEU (2-1); Ateneo (2-1); UE (2-1); La Salle (1-2); Adamson (0-3); NU (0-3)

KINAILANGAN ng Ateneo ang dalawang overtime para daigin ang nagdedepensang kampeon National University, 74-70, para makasalo sa ikalawang puwesto sa 78th UAAP men’s basketball kagabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Naghatid si Kiefer Ravena ng 21 puntos, tampok ang dalawang mahahalagang triples na nagpatabla sa laro sa regulation, 57-all, at unang overtime, 62-all.

Sa ikalawang extension ay tumira si Nigerian center Chibueze Ikeh na naghatid ng anim na puntos mula sa free throw line bukod sa mga rebounds para paamuin ang Bulldogs.

“He doesn’t have to prove anything but he stepped up today,” papuri ni Blue Eagles coach Bo Perasol kay Ikeh na may 14 puntos at 17 rebounds.

Humablot si Ikeh ng 14 offensive rebounds at mataas ito ng isa sa kabuuang naitala ng NU sa nasabing departamento (13).

Si Gelo Alolino ang nanguna sa Bulldogs sa kanyang 19 puntos pero siya rin ang dahilan kung bakit natalo ang koponan nang hindi niya napangalagaan ang bola sa huling 16 segundo sa regulation.

Dalawang free throws ang naipasok ni Alolino sa foul ni Ravena para sa 57-54 kalamangan at natawagan ng five-second inbound violation ang Eagles para bumalik ang bola.

Pero nawala kay Alolino ang bola at ito ang nakatulong sa tres ni Ravena para sa overtime.

Ito na ang ikatlong sunod na pagkatalo ng NU at napantayan nila ang masamang panimula ng dating kampeon na Ateneo sa 2013 season.

Umakyat din sa ikalawang puwesto ang University of the East nang pabagsakin ang Adamson University, 89-78, sa unang laro.

May career-high 23 puntos ang rookie na si Edison Batiller at walo rito ay ginawa niya sa huling yugto para hindi pabangunin pa ang Falcons tungo sa ikalawang sunod na panalo sa tatlong laro ng batang koponan na hawak ni UE coach Derrick Pumaren.

Si Paul Varilla ay mayroong 14 puntos habang si Clark Derige ay naghatid ng 12 puntos at 10 rebounds para sa UE na tumapos sa respetadong 45.2% shooting (33-of-73) at ipalasap sa Falcons ang pangatlong sunod na kabiguan.

READ NEXT
Remember ABC?
Read more...