ILANG buwan pa ang bibilangin bago ang 2016 presidential elections pero painit na nang painit ang usapin tungkol dito lalo pa’t pormal nang nag-anunsyo kahapon si Senador Grace Poe na siya nga ay tatakbo sa pagkapangulo para labanan ang bet ng Pangulong Aquino na si Mar Roxas at Vice President Jejomar Binay.
Unti-unti nang nagkakalinaw kung sino-sino nga ba ang magtatapat sa darating na halalan. Ito nga ba ay magiging three-way fight o kailangan pa ba nilang hintayin ang pagbabago ng isip ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte para maging four-corner battle ang mangyayari sa Mayo?
Ngayong pormal nang nagdeklara si Poe ng kanyang kandidatura, asahan na niya na mas iigting pa ang mga pakakawalang banat sa kanya ng iba’t ibang grupo na tutol o natatakot sa kanyang pagsabak sa presidential race.
Punto na dapat isaisip ng nangangarap na maging pangulo ay doblehin ang tibay ng loob dahil ang sinusuong niya nga-yon ay hindi ordinaryong pakikipagsapalaran. Ito ay isang malaking “gera”. Hindi ito isang ordinaryong bakbakan lamang.
Dito, daranasin niya ang mailantad ang mga pinakaii-ngatang sikreto at mga baho kung meron man.
Dapat din na ihanda niya hindi lang ang kanyang sarili kundi ang buong pamilya, mga kaibigan, dahil hindi sila patatawarin ng anumang isyu na maaaring maibato sa kanya sa ganitong uri ng bakbakan.
Abangan niya na mas marami pang mga personal na isyu ang sasabog sa kanyang harapan at ito ang dapat niyang paghandaan.
Ang isyu ng kanyang residency at citizenship ay maaring madagdagan pa nang mas ma-lisyoso at maduming akusas-yon.
Hindi niya maaaring isigaw na pawang lehitimong isyu lang ang dapat pag-usapan at huwag isali ang kanyang pamilya dahil hindi nga ganon ang takbo ng pulitika sa bansa.
Kahit sino ang tanungin, iisa lang ang kanilang sasabihin, sadyang madumi ang pulitika at kailanman ay hindi ito iinog lang sa lehitimong mga isyu ng lipunan. Laging lulutang ang mga personal na isyu, at sa tingin ng iba ang mga personal na isyu ay kabahabi ng mga lehitimong isyu na dapat pag-usapan at busisiin.
Ngayon, ang dapat aralin ni Poe na sa ganitong mga laban hindi dapat manaig ang damdamin. Ibig sabihin, walang puwang sa bakbakang ito ang pagiging pikon at balat-sibuyas.
Hindi niya kailangang maging tengang-kawali sa mga isyung ito. Iyon nga lang piliin niya ang mga isyung ibabato sa kanya at sagutin ito “with grace”.
Wag padadala sa mga buyo at sulsol dahil ito ang nais na mangyari ng kanyang mga ka-laban: ang maging abala siya sa pagsagot sa bawat banat, batikos na ibabato sa kanya.
Tama ang sinasabing payo ng kanyang ina na “sa ingay ng pulitika, huwag mong walain ang iyong sarili.”
Ibig sabinin lang nito na hindi kailangang pababain ni Poe ang sarili at patulan ang mga walang kawawaang personal na isyung ibabato sa kanya.
Makipagbakbakan oo, pero pumili ng laban.