KILIG na kilig din si Ryzza Mae Dizon sa tambalan nina Alden Richards at Maine Mendoza o Yaya Dub sa hit na hit na kalyeserye ng Eat Bulaga.
Sey ni Ryzza, isa rin siya sa milyun-milyong dabarkads na kinikilig, nakikiiyak at nakikitawa sa kuwento ng AlDub sa laging trending na kalyeserye ng Eat Bulaga.
Sa grand presscon ng kauna-unahang teleserye ni Ryzza sa GMA, ang Princess In The Palace, sinabi ng bata na talagang tutok na tutok din siya sa TV kapag nagsisimula na ang kalyeserye nina Alden at Maine, “Kasi fan din po ako nila, ng AlDub. Sobra po akong kinikilig.
“Tatlong Saturday…last Saturday po, nung nagkita na sila, ayun, dun ako sa hosts’ room, kinikilig. Sumasayaw ako du’n sa room, tapos minsan umiiyak po ako.
“Yung mga tao du’n, bini-video ako—si Tita Ruby (Rodriguez), si Tito Bitoy (Michael V). Pinost niya nga po, e,” kuwento ni Ryzza Mae.
Matagal na rin daw niyang idol si Alden bago pa sila nagtambal ni Maine, ang tila kinikilig pang sabi ni Ryzza, “Mabait si Kuya Alden. Tsaka Dabarkads na rin po siya, best friend ko na rin po siya.”
Naniniwala rin daw ang bagets na may chance na magkatuluyan sa tunay na buhay sina Alden at Maine, “A, may chance po, pero hindi ko pa po alam. May chance siguro.”
At tulad ng lahat ng dabarkads sa buong mundo, gusto rin ni Ryzza na magkatuluyan ang dalawa. Actually, lagi raw niyang tinatanong ang kuya Alden niya kung ano na ang feelings nito kay Yaya Dub pero ayaw daw nitong sabihin, “Parang nahihiya kasi siya.”
Samantala, sa bagong project ni Ryzza sa GMA, ito ngang Princess In The Palace, gagampanan niya ang karakter ni Princess, na isang masayahing bata mula sa Barangay Krus na Puti.
Ngunit biglang mababago ang kanyang buhay matapos niyang iligtas sa isang aksidente ang Pangulo ng Pilipinas na gagampanan naman ni Eula Valdes.
Pinahanap ni Eula si Ryzza at pinatira sa Malacañang, “At yun po ang aabangan nila, ang magiging buhay ko po sa loob ng palasyo.”
Grabe raw ang mga madadramang eksena ni Ryzza rito, talagang nakipagsabayan din siya sa mga veteran stars na kasama niya sa serye.
Puring-puri rin siya ng kanilang direktor na si Mike Tuviera dahil sa galing niyang umiyak. In fairness naman sa bagets, talagang nahasa na rin siya sa pag-arte dahil sa mga nagawa na niyang pelikula at sa mga Holy Week presentation ng Eat Bulaga nitong mga nakaraang taon.
Makakasama rin dito sina Aiza Seguerra, Boots-Anson Rodrigo, Dante Rivero, Ciara Sotto, Neil Perez, Ces Quesada, Marc Abaya, Lianne Valentin, Miggy Jimenez, Vince de Jesus at Rocky Salumbides.
Magsisimula na ang The Ryzza Mae Show Presents Princess In The Palace sa darating na Lunes, Sept. 21, 11:30 a.m. bago mag-Eat Bulaga.
Samantala, inamin ni Aiza Seguerra na pinag-leave muna siya sa ASAP20 ng ABS-CBN habang ginagawa niya ang Princess In The Palace kaya hindi na muna siya mapapanood sa nasabing musical Sunday show.
Ayon kay Aiza, naiintindihan naman daw niya ang desisyon ng production at ng mga bossing ng ABS-CBN, nagpasalamat pa siya sa Kapamilya network dahil tumagal siya ng anim na taon sa ASAP.
Siniguro naman ni Aiza na pwede pa rin naman siyang bumalik sa ASAP kung wala ng conflict sa mga ginagawa niyang proyekto sa GMA 7.
Tulad ng naunang napabalita, ang production ng ASAP20 ang may hawak din ng daytime series na Ningning na makaka-tapat ng teleserye nina Ryzza at Aiza.