NATANONG tungkol sa kung may closure na sa isa sa pinakamabigat na pagsubok na kinaharap ng kanyang administrasyon, kusang loob na sinabi ni Pangulong Aquino na may ibang anggulo o bagong lead silang tinitingnan sa Mamasapano operation.
At ang isa sa lead na ito ay ang mismong ang larawan na lumabas sa the Philippine Daily Inquirer nagmula. Ibang version. Himig ng ibang katotohanan. Sino ang hindi makapapansin nito gayong pangulo na ang nagsasalita?
Dito nagsimula ang kwento ng “alternative truth” sa kung papaano napatay o pinatay si Zulkifli bin Hir alias Marwan.
Ang kwentong dinugtungan ng mga pahayag ng iba, named and unnamed sources ay nagmula mismo kay Pangulong Aquino.
Linawin natin na hindi sinabi ng pangulo na ang March, 2015 report ng Special Investigative Commission ng Moro Islamic Liberation Front ang tinutukoy niyang “alternative truth”.
‘Yun nga lang, tila nagtutugma ito sa “alternative truth” dahil sa kung babasahin ang nilalaman ng MILF-SIC report, ito ay direktang kontra sa version ng PNP-Special Action Forces tungkol sa kung paano napatay si Marwan.
Nang makausap ko si MILF Chief Negotiator Mohagher Iqbal, sinabi niya na ayaw niyang magtunog pulitikal ang kanyang pahayag at para sa kanya, walang “alternative truth” at ang meron lang ay ang “only truth”.
Linawin natin, hindi rin sinabi ni Iqbal na ang nilalaman ng MILF-SIC report ang “alternative truth” na pinatutungkulan ni Pangulong Aquino.
Ngunit may isang bahagi sa report na katulad ang panig o salaysay ng PNP-SAF sa mga nakalap ng investigating team ng MILF-SIC at ito ay malinaw na paliwanag sa kung paano namatay ang 44 na SAF na karamihan at kabilang sa 55th-SAC o blocking force ng PNP-SAF na bahagi ng Oplan Exodus.
At ito ay ang reckoning sa oras na tumindi ang bakbakan sa bahagi ng maisan na kung saan napatay ang karamihan sa SAF-44 at kung kailan humupa na ang putukan at halos wala nang sumasagot sa panig ng tropa ng pamahalaan, lampas ng alas-12 ng ika-25 ng Enero.
Alas-4:20 ng umaga nang magsimula ang palitan ng putok. Ala-1 ng hapon ay wala nang gumaganti ng putok sa panig ng tropa ng PNP-SAF.
Sa Senate hearing tungkol sa Mamasapano, isa ito sa mga hindi mali-limutang pahayag nang sabihin ng isang opisyal ng PNP-SAF na wala nang sumasagot sa kanya sa “radio communications” bandang ala-1 ng hapon.
Ilang oras ba ang pinag-uusapan natin mula alas-4 ng umaga hangang ala-1 ng hapon? Siyam na oras. Anong oras nakapagbuga ng white phosphorous ang pinakamalapit na tropa ng Hukbong Sandatahan? Alas-4:30 ng hapon.
Higit sa pag-usisa at pag-urirat sa kung paano ba talaga namatay si Marwan o kung sino ba talaga ang pumatay sa kanya, ang isang mahalagang tanong na hindi talaga nasagot at natuldukan ay kung ano ba talaga ang ginawa at hindi ginawa sa panahong malinaw na kailangang-kailangan ng tulong ng tropa ng PNP-SAF na naipit na sa labanan.
Dito pumapasok na akmang-akma ang tanong ng abogado ni retired Director at dating SAF Chief Getulio Napeñas na si Atty. Vitaliano Aguirre.
Simple at direkta ang tanong ni Aguirre. “Ginoong Pangulo, nag-utos ka ba ng stand-down sa tropa noong umaga ng January 25, 2015 kaya hindi natulungan ang mga naipit na tropa ng PNP-SAF?”
The question demands a direct answer now more than ever as the president himself was the one who offered a version of an “alternative truth” on what really happened during that fatal day of January 25, 2015 in Mamasapano, Maguindanao.
Maipakikita ng pangulo ang kanyang tunay na malasakit sa alaala at sakripisyo ng mga namatay na opisyal at tauhan ng PNP-SAF kung ang paglalantad ng buong katotohanan ay hindi lamang sa kung sino ang pumatay o kung paano nga ba namatay si Marwan na siyang pangunahing target ng operas-yon.
Ang pangulo ang bumuhay sa usapin. Kung bakit at ano ang motibas-yon ay siya na nagsalita tungkol dito ang siya lamang nakaaalam.
May mga bagay na nahahayag na hindi nadadaan sa salita o sa kilos o sa gawa. Itago man, lalabas at lalabas din.
Malinaw na anuman ang motibasyon o intensiyon sa pagbuhay muli ng
usaping ito, ang kwento ng Mamasapano anuman ang hugis o kulay ng katotohanang kaakibat nito ay isang bagay na dadalhin ng pangulo hanggang sa huli.
Sa kanya din natin ito unang nadinig. Kahit papaano, nakita natin na alam din niya ang mga kwentong tunay na hindi natin mali-limutan at kung paano natin tatandaan ang kanyang pamamahala bilang pangulo.