LIMANG taon matapos unang ipakita ang angking husay sa pagpana sa Palarong Pambansa, nagbabalik si Jhan Mark Lapinig para buhayin ang naudlot ng pangarap na mapasama sa national team.
Bagamat hindi aktibo sa paglalaro sa malalaking kompetisyon, naroroon pa rin ang galing sa pagtudla ng ngayon ay 21-anyos at archery coach sa Zamboanga del Sur Sports Academy nang nanalo siya ng tatlong ginto sa 2015 Philippine National Games (PNG) Mindanao leg archery competition sa Pagadian Government Center sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Kampeon ang tubong Dipolog City sa men’s recurve open Individual Olympic round, Team at Mixed Team upang ianunsyo ang pagpapatuloy sa hangaring mapasama sa national team sa hinaharap.
Nakilala si Lapinig noong 2010 Palarong Pambansa sa Tarlac City nang nanalo siya ng tatlong ginto at dalawang tansong medalya at dahil sa galing ay ikinonsidera siya sa national junior team at balak sana isali sa 1st Youth Olympic Games sa Singapore.
Pero naudlot ito dahil nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ng coach sa Dapitan City at binawi ang archery equipment na ipinahiram sa kanya.
“Wala po akong gamit kaya nahinto ako sa paglalaro. Noong nakapasok ako rito (sports academy) ay tsaka ako nakapagsanay uli,” pahayag ni Lapinig na tumapos ng kursong sports coaching dalawang taon na ang nakalipas.
Ngayong nakita niya mismo na puwede pa siya, nangako si Lapinig na gagawin ang lahat para kuminang sa PNG National Finals sa susunod na taon.
“Kung may chance ay gusto kong makapasok sa national team. Kaya ang goal ko ay tumalo kahit isang national athlete sa National Finals,” may determinasyong sinabi nito.
Anim na ginto ang nakuha ng host province sa archery at ang sinasanay ni Lapinig na si 16-anyos Marchel Fernandez ay nakatatlong ginto rin sa larangan ng Individual Olympic Round girls at open bukod sa Mixed Team.
Samantala, hindi nasayang ang pagbiyahe ng Rizal Technological University (RTU) para sumali sa kompetisyong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pakikipagtulungan sa Philippine Olympic Committee (POC) at sa tulong ng Pagadian City at Zamboanga del Sur local governments nang tinalo nila ang Mampang, Zamboanga City, 5-0, para kilalaning kampeon sa men’s softball.
Nagbigay lamang ng apat na hits at may siyam na strikeouts si Roel Custodio at siya at si Roger Marciada ay may tig-isang homerun para hiyain ang mas beteranong katunggali.
“Noong dumating kami ay marami ang nagsabi na lugi raw kami dahil mga bata ang players ko. Pero naghanda talaga kami at pinatunayan nila na kaya nila,” wika ni RTU coach Andres Bonifacio na tinulungan ng mga Philippine Blu Boys members Rey Pagkaliwagan at Noel Bumagat bukod kay Herbert Bonifacio bilang mga assistant coaches.
Ang tagumpay ay pambawi matapos ang pang-apat na puwestong pagtatapos noong 2014.
Kinilala rin ang galing ng Tacurong City matapos ang 7-0 panalo sa Josefina, Zamboanga del Sur para sa women’s title.