Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. Adamson vs Ateneo
4 p.m. UE vs NU
Team Standings: UP (2-0); UST (2-0); La Salle (1-1); FEU (1-1); Adamson (0-1); UE (0-1); National University (0-1); Ateneo (0-1)
MAG-UUNAHAN ang apat na natalong koponan na makabangon agad sa pagpapatuloy ng 78th UAAP men’s basketball ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sisikaping pag-initin ng National University (NU) Bulldogs ang planong maidepensa ang hawak na titulo sa pag-asinta ng panalo laban sa University of the East (UE) Red Warriors na magsisimula matapos ang pagtutuos ng Ateneo de Manila University Blue Eagles at Adamson University Falcons sa ganap na alas-2 ng hapon.
Natalo ang NU sa De La Salle University Green Archers, 63-67, dahil nangapa ang koponan sa tunay na laro sa mga naunang tagpo ng bakbakan.
Sina Gelo Alolino at Rodolfo Alejandro na tumapos taglay ang 16 at 15 puntos sa huling laro, ang mga mangunguna uli ngunit kakailanganin nila ang kontribusyon ng iba para maisantabi ang hamong ibibigay ng Red Warriors na lumasap ng 55-62 pagkatalo sa University of the Philippines Fighting Maroons.
Isa sa kailangang gumana ay ang 6-foot-8 foreign center Alfred Aroga dahil ang UE ay naglalaro ngayon gamit ang all-Filipino lineup.
Sisikapin naman ng Ateneo na ipakita na palaban sila sa Final Four matapos dungisan ng Far Eastern University Tamaraws ang kanilang puri sa 88-64 pangingibabaw.
Si Kiefer Ravena at Gwayne Capacio ay may 25 at 14 puntos ngunit kinulang sila ng suporta para lasapin ang masamang panimula sa liga.
Tiyak na magpapatuloy ang magandang ipinakikita ng nagdedepensang season Most Valuable Player ng liga na si Ravena pero dapat na mapag-ibayo ng bench ang kanilang ibibigay na suporta para mahigitan ang pagnanais ng Falcons na makabangon mula sa 63-67 pagyuko sa University of Santo Tomas sa unang laro.