Good luck, Gilas 3.0

APAT na manlalaro buhat sa koponang sumegunda sa 2013 FIBA Asia Championship na ginanap sa Maynila ang natitirang aktibo sa Gilas Pilipinas 3.0 na binuo kamakailan ni national coach Tab Baldwin.

Ang mga ito ay sina Marc Pingris, Gabe Norwood, Ranidel de Ocampo at Jayson Castro.

Kung tutuusin nga ay parang “late entry” pa nga si Pingris dahil sa hindi ito kabilang sa mga unang nasalang sa pool ni Baldwin. Ito ay natapos na lumiban siya sa unang bahagi ng paghahanda dahil sa sinasabing “family problems.” Pero nang maayos ang mga gusot na ito ay humabol siya sa programa ni Baldwin.

Si Norwood ang tangin kontribusyon na naiwan buhat sa Rain or Shine matapos na hindi na makuha sina Beau Belga at Paul Lee. Gaya ni Pingris ay maaasahan si Norwood sa depensa.

Sina de Ocampo at Castro ay kapwa taga-Talk ‘N Text. Maituturing na versatile big man si de Ocampo na hindi lang maaasahan sa inside plays kundi pati sa pagtira sa labas.

At siyempre, magugunitang si Castro ay napabilang sa Mythical Five ng 2013 FIBA Asia meet. Siya ang pinakamahusay na point guard ng torneong iyon.

Actually, may ikalimang datihang Gilas Pilipinas member na kinuha si Baldwin sa katauhan ni Andray Blatche na nakapaglaro sa FIBA World Cup sa Spain. Hindi nga lang naging bahagi ng PH Team para sa Asian Games si Blatche dahil sa hindi ito naging eligible base sa rules ng Asiad.

Nagbabalik bilang mga miyembro ng national team sina Paul Asi Taulava, Sonny Thoss, Dondon Hontiveros at Matt Ganuelas Rosser. Mga bagong members naman ng PH team sina Terrence Romeo, JC Intal at Calvin Abueva.

As it is, ang Talk ‘N Text at Alaska Milk ngayon ang may pinakamaraming kontribusyon sa Gilas Pilipinas. Tigatlo sila. Si Rosser ay taga-Talk ‘N Text samantalang sina Abueva, Thoss at Hontiveros ay taga-Alaska.

Siyempre, may nagtatanong kung bakit hindi nakasama sa koponan si June Mar Fajardo na nagwagi bilang Most Valuable Player ng PBA sa ikalawang sunod na taon.

Well, nagpapahinga diumano si Fajardo dahil sa sari-saring injuries. Hirap na hirap na kasi ito sa nakaraang kampanya ng Beermen kung saan nabugbog siya nang husto, e.

Pero kung magbabalik-tanaw sa nakaraang Gilas Pilipinas stints ni Fajardo, makikitang hindi naman talaga mahaba ang kanyang playing time. Kasi nga’y hindi siya ang starting center ng team. Pamalit lang siya kay Blatche o kay Marcus Douthit na siyang nagagamit nang husto.

At dapat naman talagang sulitin ang paggamit sa alinman sa dalawang naturalized players na ito. Hindi natin sila ina-naturalize kung hindi natin sila kailangang gamitin nang husto.

Kaya puwedeng magpahinga si Fajardo at magpagaling sa mga injuries na nararamdaman niya. Kung saka-sakali ay sa susunod na national team na lang siya lalahok kapag maayos na ang kanyang pakiramdam.

Sa kasalukuyan, ang responsibilidad ng pag-alalay kay Blatche ay babagsak kina Taulava at Thoss na nakahanda naman sa responsibilidad na ito. Datihan na silang national players.

Siyempre, panibagong role ito para kay Taulava dahil sa hindi na siya ang main man sa gitna. Pamalit na lang siya ni Blatche. Pero kahit na may edad na si Taulava, tiyak namang mapakikinabangan siya.

Sana ay patuloy na umani ng tagumpay ang Philippine team.

Read more...