Arellano Chiefs nahagip ang ika-10 panalo

Mga Laro sa Martes
(The Arena)
2 p.m. St. Benilde vs JRU
4 p.m. Letran vs Mapua
Team Standings: Letran (11-2); San Beda (10-3); Arellano (10-4); Perpetual Help (9-4);
Mapua (8-5); JRU (7-6); San Sebastian (3-10); St. Benilde (3-10); Lyceum (3-11); EAC (2-11)

PINANGATAWANAN ng mga koponang may magandang marka ang kanilang estado kontra sa mga nasa ibabang teams para humigpit pa ang karera para sa Final Four sa 91st NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Itinodo ng Arellano Chiefs ang kanilang laro sa second half para makakalas sa naunang magandang hamon ng San Sebastian Stags tungo sa 86-76 panalo.

Tinipa ni Jiovani Jalalon ang pangatlong triple-double sa naitalang 18 puntos, 10 rebounds at 17 assists para tulungan ang Chiefs sa paghablot ng ika-10 panalo sa 14 laro at dumikit ng kalahating pagitan sa pumapangalawang San Beda Red Lions (10-3).

Ang Stags ay bumaba sa 3-10 baraha para maging ikaapat na koponan na nagpahinga na sa liga.

Nauna rito ay dinurog ng Jose Rizal University Heavy Bombers ang Emilio Aguinaldo College Generals, 87-64,  para kapitan pa ang ikaanim na puwesto sa 7-6 karta.

“Hindi na namin iniisip ang kalaban kundi ang sarili na lamang namin dahil kailangan naming maipanalo ang nalalabing limang laro para gumanda ang chance,” wika ni Heavy Bombers coach Vergel Meneses na humugot ng pinagsamang 58 puntos kina John Pontejos, Bernabe Teodoro, John Gorospe at Mark Cruz.

Sinandalan ng Mapua Cardinals ang limang krusyal na puntos galing sa pamalit na si JP Nieles upang maisantabi ang pagkawala ng import na si Allwell Oraeme at coach Fortunato Co sa huling 6:10 ng labanan tungo sa 70-66 tagumpay sa Lyceum Pirates.

Napituhan si Oraeme ng kanyang ikalimang foul bagay na inalmahan ni Co para ma-eject sa ikalawang pagkakataon kapag kalaban ang Pirates.

Lumapit ang Pirates sa 65-62, pero limang sunod na puntos ang ibinagsak ni Nieles sa mga sumunod na tagpo para sa ikaapat na sunod na panalo ng Cardinals at pumapanglima na 8-5 baraha.

Ang Pirates at Generals na parehong talsik na ay bumaba sa 3-11 at 2-11 karta.

Read more...