Davao City , maliit na bersiyon ng bansa
LUBOS ang pagkadismaya ng milyon-milyong supporters ni Davao City Mayor Rody Duterte nang ipahayag nito na talagang—final na—hindi siya tatakbo sa pagka-Pangulo sa 2016.
Inaasahan ng kanyang mga supporters na maitutuwid ni Duterte ang gobiyerno kung tatakbo siya at manalo sa paligsahan sa pagka-presidente sa halalang 2016.
Malaki ang tsansa ni Duterte na manalo dahil dumarami araw-araw ang kanyang mga fans at supporters.
Bilang Pangulo, maipa-patupad niya ang kapayapaan at kaayusan sa buong bansa in the same way na nagawa niyang maging mapayapa at maayos ang Davao City, na pugad noon ng kriminalidad.
Sa Davao City lang walang problema sa droga di gaya ng buong bansa.
Karamihan ng mga krimeng patayan, nakawan, akyat-bahay at panggagahasa ay isinasagawa ng mga taong bangag sa droga.
Ang Davao City, tanyag na pinakamalaking siyudad sa buong mundo—in terms of area—ay itinuturing na isa sa mga pinakaligtas na lungsod na titirhan sa buong mundo.
Kung si Duterte sana ang maging presidente natin, magiging disiplinado ang mga civilian government employees gaya ng mga empleyado ng Davao City Hall.
At ang lahat ng miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ay magiging disiplinado gaya ng mga pulis at militar sa lungsod ng Davao.
Walang ulat na umaabuso ang mga pulis at sundalo na naka-assign sa Davao City.
Sa Davao City, maganda ang samahan ng mga Bisayang Cebuano, Waray, Ilonggo, Tagalog, Ilocano, Pangasinense, Maranaw, Maguindanao at Tausog.
Ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) at mga rebeldeng Muslim na naka-R&R o rest and recreation sa lungsod ay hindi ginagalaw ng mga awtoridad basta hindi sila armado.
Ang negosyo sa siyudad ay umuunlad di lang dahil mababa ang crime rate, kundi dahil din sa madaling makakuha ng lisensiya sa City Hall na walang binibigay na lagay.
“Mon, noong nag-apply ako ng business permit sa City Hall, hindi ako pinahirapan at wala akong binigay na lagay,” sabi ng isang may-ari ng retail store chain.
Walang mga gang na nanghihingi ng tong sa mga negosyante.
Ang mga extortionists ay tinuturing na nasa kategorya ng mga kawatan, drug traffickers at mamamatay-tao kaya’t target din sila ng kinatatakutang Davao Death Squad.
At, bago ko makalimutan, walang pinapaborang sekta ang Davao City Hall.
Nanalo si Duterte for the first time bilang mayor na walang suporta sa ano mang religious sect kaya’t wala siyang pinagkakautangang grupo.
Hindi siya puwedeng maimpluwensiya ng ano mang sekta.
Ang Davao City ay isang maliit na bersiyon ng Pilipinas.
Kung naisagawa ni Duterte na maging mapayapa at maayos ang lungsod sa Mindanao, magagawa rin niya ito sa buong bansa.
Pero baka hindi pa dumarating sa ating bansa ang isang perfect national leader dahil ito’y ating collective karma.
Sayang at nawalan tayo ng pagkakataon na magkaroon ng isang lider na malapit sa pagiging perpekto nang umatras si Duterte sa presidential race.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.