MUKHANG walang pakiramdam o sadyang manhid lang itong si Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino.
Kung tutuusin ay parang sinibak na ni Pangulong Aquino itong si Tolentino matapos ilipat mula sa MMDA ang pagsasaayos ng trapiko sa kahabaan ng Edsa sa Highway Patrol Group, ngunit nagawa pa rin niyang piliing manatili sa kanyang pwesto.
Kamakailan, nagpasya si Ginoong Aquino na alisin sa kapangyarihan ng MMDA ang pagsasaayos ng trapiko sa kahabaan ng Edsa dahil sa hindi na matugunan ang kabi-kabilang reklamo sa miserableng lagay ng trapiko rito.
Ang Edsa na maituturing na pinaka-busy at pinaka importanteng highway sa bansa ay ilang taon nang humaharap sa malaking problema dahil sa matinding daloy ng trapiko rito, na wala na ngang pinipiling oras, na nagdudulot ng malaking pagkalugi ng ekonomiya ng bansa.
Batay sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), umaabot sa P2.6 bilyon araw-araw ang nalulugi sa Pilipinas dahil sa epekto ng trapiko sa Edsa.
Kada araw, tinatayang kalahating milyon o 500,000 sasakyan ang bumibiyahe sa kahabaan ng Edsa, na apektado dahil sa trapiko.
Nang itinalaga si Tolentino ni G. Aquino bilang chairman ng MMDA, marami ang umasa na mabibigyan niya ng solusyon ang problema sa trapiko. Lumipas ang mahigit limang taon sa kanyang pwesto, imbes na maibsan ang lala ng suliranin ng trapiko ay lalong naging miserable ang lagay ng trapiko, lalo na sa Edsa.
Palpak si Tolentino.
Kung ano-ano pa ang gimik na ipinatupad ng chairman ng MMDA, pero lalong bumigat ang daloy ng trapiko sa Edsa.
Palpak ang pamumuno ni Tolentino na ngayon ay nagbabalak pang tumakbo sa pagkasenador sa darating na halalan sa ilalim ng Liberal Party.
Ang HPG ng PNP ang siya ngayong magiging “lead traffic enforcement agency” para pangunahan ang pagsasaayos ng trapiko sa kahabaan ng Edsa. Prayoridad ng HPG ang kaagad na ayusin ang tinaguriang choke points o bara sa kahabaan ang Edsa — Balintawak, sa Caloocan City; Cubao, Quezon City; Ortigas avenue sa Pasig City; Shaw boulevard sa Mandaluyong; Guadalupe sa Makati at Taft avenue sa Pasay City.
Pagiging alalay na lang ng HPG ang ibinigay na trabaho ni G. Aquino sa MMDApara maging matagumpay ito sa kanyang gagawing pagresolba sa problema ng trapiko sa Edsa. Kabilang din sa inatasang tumulong sa HPG ang Land Transportation Franchising Regulatory Board at Land Transportation Office.
Ang ganitong aksyon ni G. Aquino ay malinaw na sinisibak na niya si Tolentino. Hindi man direktang sinabing “you’re fired”, ay kasingkahulugan ito na dapat nang lumayas ni Tolentino sa MMDA
Sampal ito sa mukha ni Tolentino, pero hindi niya ito pinansin at patuloy pa ring inookupa ang pwesto kahit wala na itong mukhang iharap sa kanyang mga tauhan at higit sa lahat ay sa taumbayan.