SISIPATIN ni jockey Jonathan Hernandez ang ikalawang malaking panalo ni Gentle Strength sa pagtakbo sa 2015 Philracom Lakambini Stakes Race ngayong hapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Limang kabayo pero anim ang aktuwal na bilang ang magsusukatan sa 1,600m karera at ang mananalo ay mag-uuwi ng P720,000 unang gantimpala sa P1.2 milyong kabuuang premyo na inilagay ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Ang kabayong pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos ay galing sa panalo sa Bagatsing Cup Division 1 na ginawa sa mas mahabang 1,750 metro upang ipalagay na kaya uli ng tambalan na magdomina sa tampok na karerang ito.
Ang mga hahamon ay ang coupled entry na Stargazer (JB Cordova) at Burbank (Pat Dilema), Court Of Honour (JA Guce), Princess Ella (Val Dilema) at Leona Lolita (JT Zarate).
Pag-aari ng SC Stockfarm Inc., ang Princess Ella ay nagtala ng 1:40 tiyempo sa isang milya noong Hunyo at kung mauulit nito ang tiyempo ay maaaring makapanilat ito.
Ang papangalawa sa datingan ay mayroong P270,000 habang P150,000 at P60,000 ang maiuuwi ng papangatlo at papang-apat na tatawid sa meta.
Ang breeder ng kabayong nanalo sa hanay ng mga 3-year-old fillies ay mayroon ding P50,000 pabuya.