HINDI ininda ng Gilas Pilipinas ang kawalan ng point guard at dalawang leading scorers nang malusutan nito ang USA Select-Overtake club at itakas 78-74 pagwawagi na naghatid dito sa ikalawang puwesto sa 37th William Jones Cup nitong Sabado ng hapon sa Xenzhuang gymnasium sa Taipei, Taiwan.
Gamit ang bilis at outside shooting, ang mga Pinoy cagers ay nakalayo sa mga Amerikano sa ikatlong yugto bago nagpakita ng katatagan para tuluyang mapigilan ang huling ratsada ng katunggali.
Sina Terrence Romeo, na may namamagang kaliwang paa, at Jimmy Alapag, na may iniindang leg injury, ay sinamahan sa bench ni Jason Castro, na hindi pinagpahinga ni Gilas coach Tab Baldwin matapos ang dikdikang laro laban sa Wellington Saints ng New Zealand noong Biyernes.
Sina Matt Ganuelas-Rosser at Gabe Norwood ay nagsilbing playmakers ng Gilas kung saan pina-ngunahan nila ang matinding running game na hindi nagawang sabayan ng mga Amerikano kung saan nagawa ng mga Pinoy na maitala ang 55-37 kalamangan sa huling bahagi ng ikatlong yugto bago napanatili ang hawak na bentahe sa mga huling minuto ng laro para itakas ang panalo.
Naghulog si Sonny Thoss ng tatlong sunod na medium-range jumpers para tulungan ang Gilas na makaangat, 74-66, papasok sa huling 1:23 ng laro.
Subalit hindi naman basta-basta nagpatalo ang mga Amerikano na nagawang makadikit sa tatlong puntos, 74-71, mula sa dalawang free throws ni JC Bradford bago nakapaghulog si Dondon Hontiveros, na nagbida sa panalo ng Gilas kontra ng Wellington Saints, ng dalawang free throws may 2.3 segundo na lamang ang nalalabi sa laro.