Patay na volunteer sa Tarlac 6 na
Umakyat na sa anim ang bilang ng nalunod na volunteer sa creek sa San Jose, Tarlac, matapos matagpuan ang bangkay ng isang nawawala kaninang umaga.
Natagpuan ang bangkay ng ikaanim na nasawi alas-9:50 ng umaga sa Pangasaan Creek ng Sitio San Pedro, Brgy. Iba, sabi ni Senior Supt. Alex Sintin, direktor ng Tarlac provincial police, sa isang text message.
Nakilala ang ikaanim na nasawi bilang si Yasmin Solis, 27, residente ng Lobo, Batangas, sabi naman ni Nigel Lontoc, assistant director ng Office of Civil Defense 3.
Una nang narekober ang mga bangkay ng mga volunteer din na sina Mark Reiven Villanueva, ng Tanauan, Batangas; Rocky Sumalinog, 27, ng Batasan Hills, Quezon City; Bernadeth Ramirez, 22, ng Cainta, Rizal; Jomary San Diego, 22, ng Bocaue, Bulacan; at Dooren Adriano, ng Makati City.
Bukod sa mga nasawi, walo pang volunteer ang nasugatan, ayon sa OCD-3.
“Namatay at na-injure sila sa pagkalunod sa rumaragasang tubig sa creek kung saan sila tumawid,” ani Lontoc.
Ang mga nasawi’t nasugatan ay pawang mga bahagi ng 54 volunteer mula sa University of the Philippines-Manila at grupong Tarlac Gamenest MC na nagsagawa ng outreach program sa mabundok na bahagi ng San Jose.
Tinawid ng mga volunteer ang Pangasaan Creek dakong alas-3:30 ng hapon Linggo habang pabalik sa kapatagan, ngunit inabutan ng padaloy ng tubig mula sa kabundukan, ayon sa OCD-3
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.