ITINANGGI kahapon ni Justice Secretary Leila de Lima ang ulat na nagbitiw na siya sa puwesto matapos umanong hilingin ng Iglesia Ni Cristo ang kanyang pag-reresign sa isinagawang pag-uusap ng gobyerno at ng INC.
“I am here to work. Will I be here if I resigned already?” sabi ni de Lima.
Ito’y matapos itigil ng INC ang mga kilos-protesta noong Lunes matapos makipag-usap sa Malacanang,
“[There is] no such thing,” dagdag de Lima kaugnay umano ng kasunduan sa INC.
Dumalo si de Lima sa ipinatawag na emergency meeting ni Pangulong Aquino sa Malacañang noong Linggo ng gabi matapos namang magprotesta ang libo-libong mga kasapi ng INC.
Samantala, tumanggi naman si de Lima na magbigay ng detalye sa nangyaring pagpupulong.
“Humihingi ako ng pang-unawa. Hindi ako makakapag-issue ng statement. Gusto ko lang iwasan ang mga sitwasyon na baka may mag-misquote sa akin o magdistort o mag spin ng mga sasabihin ko po na pwedeng magdulot na naman ng hindi pagkakaunawaan,” ayon pa kay de Lima.
Aniya, magbibitiw siya sa tamang panahon.
“Hindi po ako magreresign ngayon or in the next few days or several days dahil walang dahilan para ako magresign,” ayon pa kay de Lima, sa pagsasabing magbibitiw lamang siya kapag 100 porsiyento na siyang tiyak na tatakbo sa pagka-senador.
“I am back to work. Lots of work to do,” ayon pa kay de Lima.