Mga ticket sa Gilas games sa Jones Cup sold out na

TULAD ng nangyari sa mga torneong sinalihan ng Gilas Pilipinas ubos muli ang mga tickets sa kanilang mga laro.

Ang mga Pinoy cagers ay muling maglalaro sa harap ng maraming manonood sa halos lahat ng kanilang mga laro sa 37th Jones Cup sa Taipei, Taiwan kung saan maraming naho-homesick na Overseas Filipino Workers ang nais na makita ang kanilang mga kababayan na maglaro.

Magsisimula ito sa laro ng Gilas kontra sa  Chinese Taipei-A nitong Linggo ng gabi at ayon kay team manager Butch Antonio ang mga ticket ay sold out na kaya’t nakasisiguro ang mga Pinoy players ng homecourt advantage sa lahat ng mga laro nila.

Ang mga Filipino fans ay kinilala sa kanilang ipinakitang pagsuporta sa Team Philippines sa FIBA World Cup sa Spain noong isang taon kaya naman pinarangalan sila bilang Most Valuable Fans ng world governing body ng basketball matapos ang todo-suportang ibinigay sa Gilas.

Ang masidhing pagmamahal ng mga Pinoy sa basketball ang ginamit din ng Pilipinas sa kanilang final presentation sa FIBA Board para magsilbing host sana ng 2019 FIBA World Cup.

Hindi naman nangangamba si Gilas coach Tab Baldwin na ang kanyang koponan ay maglalaro sa teritoryo ng kalaban sa pagharap sa mga Taiwanese.

“These are PBA players that we have here, and PBA players are used to playing in crowds that don’t want them to win,” sabi ni Baldwin matapos ang kanilang morning drills kahapon ng umaga.

“Partisan crowd? It’s not much of a factor for us,” sabi ni Baldwin, na matapos makalaro ang home team kagabi, ay siguradong magugulat sa suportang ibibigay sa kanila ng mga Pinoy dito.

Read more...