BINUKSAN ng five-time defending champion San Beda College ang second round bitbit ang dalawang magagandang panalo.
Sa dalawang laro na ito ay lumutang uli ang husay ni Arthur dela Cruz na tila lalong naging inspirado matapos kunin ng Blackwater Elite bilang ninth pick sa 2015 PBA Rookie Draft.
Ang 6-foot-4 forward ay nagtala ng 23.5 puntos, 10 rebounds at 5.5 assists sa huling dalawang panalo para manatiling nasa tuktok ng team standings ang Red Lions sa 9-2 karta.
“Gusto ko bago ko iwanan ang aking paaralan ay mabigyan ko ito ng titulo,” wika ni dela Cruz sa kanyang layunin bago iwan ang Red Lions.
Maliban sa kampeonato, posibleng makuha rin ni Dela Cruz ang pinakamataas na individual award na Most Valuable Player sa all-around game na ipinakikita.
Sa 96-84 panalo laban sa Emilio Aguinaldo College, si Dela Cruz ay nagbagsak ng 30 puntos bukod sa 10 rebounds, 5 assists at 4 steals at laban sa College of St. Benilde na kanilang tinalo, 89-63, ay naghatid pa ang nasabing manlalaro ng 17 puntos, 10 boards at 7 assists.
Bunga ng impresibong ipinakita, si Dela Cruz ang ginawaran ng ACCEL Quantum/3XVI-NCAA Press Corps Player of the Week award.
Tinalo niya sa lingguhang citation na ibinibigay ng mga mamamahayag na kumokober sa pinakamatandang collegiate league sa bansa sina Mark Cruz ng Letran Knights at Cameroonian center Jean Victor Nguidjol ng Lyceum Pirates.