WALA na talagang makapipigil pa sa kasikatan ng tambalang AlDub hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang bahahi ng mundo. Sina Alden Richards at Maine Mendoza o Yaya Dub na ang may hawak ng record ng may pinakamataas na tweets para sa isang hashtag sa history ng Twitter sa bansa.
Umabot sa 3.5 million ang tweets para sa #AlDubMaiDenHeaven noong nakaraang Sabado, Aug. 29 sa loob lamang ng 21 oras. At dahil dito, ang #AlDubMaiDenHeaven na ngayon ang may pinakamataas na bilang ng tweets dito sa Pilipinas.
Nalampasan na nito ang 3,341,021 tweets na naitala sa pagbisita ni Pope Francis sa bansa noong January, 2015 na may hashtag na #PapalVisit.
Bukod dito, ang AlDub na rin ang ma hawak ng korona bilang kauna-unahang loveteam sa Pilipinas na nakakuha ng three million tweets sa loob lang ng isang araw.
Bago ito, ang pinakamataas na tweets na nakuha ng #AlDub hashtag ay 2.6 million, humataw ang #ALDUBAgainstALLODDS noong nakaraang Sabado, Aug. 22, ito yung episode ng kalyeserye kung saan hindi natuloy ang kasal nina Yaya Dub at Frankie Arinolli (Jose Manalo) kaya naman nagdiwang ang fans ng magka-loveteam.
Araw-araw gumagawa ng ingay ang tambalan nina Yaya Dub at Alden sa kalyeserye ng Eat Bulaga, sila na ngayon ang itinuturing na pinakamainit na tambalan ngayon sa showbiz.
Ito’y sa kabila nga ng katotohanan na hindi pa nila pagkikita nang personal, tanging sa split screen lamang sila nagkikita at nag-uusap sa pamamagitan ng pagli-lipsync at fan signs.
Siyempre, tuwang-tuwa sina Alden at Maine sa bagong tagumpay na ito ng kanilang tambalan, pati na rin ang buong pamilya ng Eat Bulaga.
Nag-post agad si Alden sa Twitter ng mensahe para sa AlDub fans: “3Million tweets!!!!!! Maraming maraming salamat #AlDubnation.”
Ayon naman kay Yaya Dub, “Three Million tweets? Iba kayo, dabarkads! #ALDUBMaiDenHeaven!”
Sumunod namang nag-tweet si Joey de Leon, “Hindi naman siguro daramdamin ng Pope dahil may “heaven” naman ang #ALDUBMaiDenHeaven, so…GO tweet in heaven’s name!#3MillionPaMore.”
Sey naman ni Pauleen Luna, “3 million tweets?! 😱⠤ Solid talaga kayo! THANK YOU! #ALDUBMaiDenHeaven.” “Congrats Aldubbers!!!!!! Youre simply the best fandom!!! Ang kokontra kotong,” chika naman ni Allan K.
Phenomenal ang pagsikat ng AlDub dahil aksidente lang na nabuo ang tambalan ng dalawang dabarkads. Hindi rin daw akalain ng pamunuan ng Eat Bulaga na makakagawa sila ng isang bagong segment sa programa na talagang maghi-hit nang bonggang-bongga sa buong mundo.