MALAKING bilang ng duathletes ang nakikitang sasali sa pagbalik sa Alviera sa Porac, Pampanga ng Bike King Duathlon sa Setyembre 27.
Inorganisa ito ng Bike King sa panguguna ni Raul Cuevas, sa dalawang distansya gagawin ang labanan na 6km run-60km bike-4km run standard at 3km run-20km bike-2km-run sprint race.
Ang mga maglalaban sa Elite Male at Female ay magkakamit ng pabuya na nagkakahalaga ng P40,000 na hahatiin sa unang tatlong tatawid sa meta.
Ang ibang kategorya ay Age Groups at Team relay at may medalya na makukuha ang tatapos sa unang tatlong pupuwesto.
Bagamat halos patag ang daanan ay makikilatis ang tibay ng mga duathletes dahil sa kawalan ng katiyakan sa klima sa araw ng labanan.
Ang mga pamilya ng mga kasamang duathletes ay maaari namang magpakasaya sa mga pasilidad sa Sandbox sa Alviera.
Magsisimula ang karera sa ganap na alas-6 ng umaga at ito ay suportado ng Alviera, Aboitiz, Timex, NLEX-SCTEX, Cycling, AboitizPower, WeatherPhilippines, Sante Barley, Orbea, Fontana, SwimBikeRun.ph, Multisport at RaceDay.