Mapua, JRU ginapi ang Perpetual, Arellano

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
12 n.n. St. Benilde vs San Beda
2 p.m. Lyceum vs San Sebastian
4 p.m. EAC vs Letran
Team Standings: Letran (8-2); San Beda (8-2); Perpetual Help (7-3); Arellano (6-4); JRU (6-4); Mapua (5-5); San Sebastian (3-7); St. Benilde (2-7); Lyceum (2-7); EAC (2-8)

NAGPAKITA ng tibay ang host Mapua sa endgame upang maisantabi ang pagkawala ng malaking kalamangan tungo sa 70-65 panalo sa Perpetual Help sa 91st NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Nakitang naupos ang 16 puntos kalamangan sa second period at nakapanakot ang Altas sa 65-68, kumapit ang Cardinals sa depensa at maagap na pagkilos sa bola ni Denniel Jay Aguirre para maitabla ng koponan ang baraha sa 5-5 marka.

Sumablay si Gab Dagangon sa krusyal na triple bago ang outlet pass ni Allwell Oraeme ay tila magiging turnover na pero isinalba ni Dagangon ang bola na nakuha ni Aguirre tungo sa madaling layup at ibigay ang limang puntos kalamangan sa huling sampung segundo ng laban.

Si Oraeme ay mayroong 19 puntos at 14 rebounds para sa Cardinals na naglaro lamang taglay ang 10 manlalaro na kinatatampukan pa ng 10 rookies ngunit nakatulong sa host school ang maagang paglayo para sa panalo.

Ang pagkatalo ay ikatlo sa 10 laro ng Altas para maunsiyami ang hinangad na makasalo sa liderato kasama ang mga pahingang Letran at San Beda na may magkatulad na 8-2 karta.

Naipasok ni Gio Lasquety ang dalawang mahahalagang free throws sa huling 1.4 segundo sa ikalawang overtime para ibigay sa Jose Rizal University Heavy Bombers ang 114-112 panalo sa Arellano University Chiefs sa unang laro.

Ngunit agad na inilagay ng Chiefs ang laro bilang protested game dahil huling itinama ng mga referees ang naunang inanunsyo na 3-pointer ni Bernabe Teodoro na nakaapekto sa tsansang manalo.

Nakita sa replay na nakatapak sa linya si Teodoro nang pumukol ng attempt para gawing two-pointer ito.

Itinama lamang ang iskor matapos magpakawala ng tres si Jalalon sabay bigay ng foul kay Lasquety sa huling 1.4 segundo.

Kung agad na bineripika ng mga game officials ang attempt ni Teodoro ay hindi na kinailangang mag-foul si Jalalon dahil tabla ang iskor sa 112-all.

Nasayang ng kontrobersya sa endgame ang mga career game nina Paolo Pontejos ng JRU at Jalalon.

Si Pontejos ay tumapos bitbit ang 32 puntos habang si Jalalon ay mayroong 36 puntos at 16 assists.

Read more...