HINDI nagkailangan ang dalawang lalaking naka-relasyon at kasalukuyang nauugnay kay Heart Evangelista na sina Sen. Chiz Escudero at Jericho Rosales sa episode ng Kris TV kahapon ng umaga.
Deretsahang tinanong ni Kris Aquino si Echo kung walang ilang factor siyang nararamdaman kay Chiz at nagulat pa nga ang aktor kaya nagtanong ito kung bakit at sinabi nga sa kanya na kaharap niya ang senador.
At saka lang sumagot si Echo ng, “Ahh, gets ko na, wala naman.”
Oo naman, dahil kitang-kitang masayang-masaya ngayon ang aktor sa piling ng girlfriend niyang TV host na si Kim Jones at inamin na rin niya on national TV na ang dalaga na ang gusto niyang pakasalan at wala ng iba pa.
Ang inialay niyang kanta para kay Kim ay ang “Minsan Lang Kitang Iibigin” na orihinal ni Ariel Rivera na ni-revive naman ni Gary Valenciano.
Samantala, magaling lumusot si Sen. Chiz dahil kapag binibigla siya ng tanong ni Kris tungkol kay Heart Evangelista ay hindi siya umaamin at idinadaan sa tawa.
And for the record ay mag-iisang taon na ang relasyon nina Jericho at Kim Jones sa Oct. 29.
Sabi ni Echo walong buwan din niyang niligawan ang TV host.