NAGPASOK ng guilty plea ang isang Pinoy matapos ang kanyang mga komento sa kanyang Facebook laban sa mga Singaporean at umano’y paulit-ulit na nagsinungaling sa mga pulis.
Isisulong ng prosecution ang 20 linggong pagkakabilanggo laban kay Ed Mundsel Bello Ello, matapos namang ilarawan ang kanyang mga komento na “xenophobic, derogatory and highly inflammatory.”
Itinakda ni District Judge Siva Shanmugam ang kanyang sintensiya sa Setyembre 16.
Matatandaang noong Enero 2, tinawag ng 29-na-taong gulang na Pinoy ang mga Singaporean na “loosers (sic) in their own country.” Nagbanta pa si Ello na kukunin ang kanilang trabaho at ii-evict sa kanilang bansa. Aniya, ang magiging “new Filipino state” ang Singapote at pinagdasal pa niya na tamaan ng mga kalamidad ang Singapore.
Kinasuhan si Ello ng sedition at giving false information to a public service.
Sa ilalim ng sedition, nahaharap si Ello sa P166,368 na multa at tatlong taon na pagkakakulong at karagdagang isang taon na pagkakabilanggo dahil sa giving false information.