BAGAMAT biglang dumausdos ang kanyang boxing career, naniniwala pa rin si Nonito Donaire Jr. na kaya pa rin niyang makabangon.
Kaya naman muling kumakatok ang 32-anyos na si Donaire sa pinto ng kasikatan para maipagpatuloy ang kanyang boxing career.
Bagamat dalawang beses natalo sa huling anim na laban kabilang ang isang knockout loss, sinabi ni Donaire na wala siyang balak na magretiro dahil kaya pa rin umano niyang lumaban.
Si Donaire ay itinatapat sa walang talo at kasalukuyang World Boxing Association (WBA) super bantamweight champion na si Scott Quigg. Patuloy pa rin ang pag-uusap sa pagitan ng Top Rank ni Bob Arum at kampo ni Quigg.
Umamin din si Donaire na may ilang bagay siya na hindi nagawa kaya nakalasap ng masakit na pagkatalo kay Nicholas Walters, na nagpatikim sa kanya ng kauna-unahang knockout loss sa laban na ginanap sa Carson, California, USA noong isang taon.
Pinatulog siya ni Walters sa ikaanim na round ng kanilang WBA featherweight title bout.
“I still want to do this. But I was torn between the new things I should be doing (in training) and the old things because I was fighting bigger guys. I needed to let my body have more time to prepare,” sabi ni Donaire sa panayam ng Boxing News Online.