Perpetual Help makikisosyo sa No. 1 spot

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
2 p.m. JRU vs Arellano
4 p.m. Mapua vs Perpetual
Team Standings: Letran (8-2); San Beda (8-2); Perpetual Help (7-2); Arellano (6-3); JRU (5-4); Mapua (4-5); San Sebastian (3-7); St. Benilde (2-7); Lyceum (2-7); EAC (2-8)

SUMOSYO sa liderato ang pakay ng University of Perpetual Help habang tumatag ang kapit sa ikaapat na puwesto ang hangad ng Arellano University sa pagpapatuloy ng second round ng 91st NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Ipaparada ng Perpetual ang 7-2 karta laban sa host Mapua at hanap nila ang panalo upang makatabla ang mga nasa unahang Letran at San Beda sa 8-2 baraha.

Nalaglag sa dating solo puwesto ang Letran nang nalusutan ng San Sebastian, 89-87, noong Martes.

Inaasahang balik sa matikas na kondisyon si Earl Scottie Thompson at magiging dagdag inspirasyon para pangunahan ang Altas sa hanap na panalo ang pagkakapili sa kanya ng Barangay Ginebra bilang fifth pick overall sa idinaos na PBA Rookie Draft noong Linggo.

Maliban kay Thompson ay sasandal ang tropa ni Perpetual coach Aric del Rosario sa galing ni Bright Akhuetie bukod sa mga bench players para maisantabi ang palabang Cardinals na nais na maitabla ang karta matapos ang 10 laro.

Ang Arellano ay babangga sa Jose Rizal University dakong alas-4 ng hapon sa isang mainitang labanan dahil ang mananalo ay kakapit sa ikaapat na puwesto.

Hawak ng Chiefs ang mahalagang puwesto sa 6-3 karta ngunit kung ang Heavy Bombers ang manalo ay mabibigyan nila ng pagkakataon ang katunggali para makasalo sa puwesto.

Galing ang Chiefs mula sa 88-84 panalo sa five-time defending champion Red Lions pero hindi pahuhuli ang Heavy Bombers na aasa sa galing ng starting guard na si Bernabe Teodoro.

Read more...