Mahal na mahal ni Kris Aquino ang kanyang trabaho. Pagmamahal na kung minsan ay sobra-sobra na, OA na, kaya sa ospital palagi ang kanyang bagsak.
Sa punto ng propesyo- nalismo ay wala pa kaming naririnig na reklamo laban kay Kris. Maaga siyang dumarating sa studio, naghahanda na agad para sa kanyang hosting, propesyonal siya.
Mahal niya ang kanyang trabaho dahil masaya si Kris sa kanyang ginagawa. Hindi ‘yun dahil sa kikitain niya, ano pa ba naman ang kailangan ng isang herederang tulad niya na nakapag-ipon na rin para sa kinabukasan ng kanyang mga anak mula sa sarili niyang pagsisikap, meron pa ba?
Passion para kay Kris ang kanyang ginagawa. Mula sa puso ang pagmamahal niya sa trabaho kaya minamahal din siya pabalik nito.
Pero kung minsan ay nakakaligtaan na ni Kris na ang katawan ay may limitado lang na kakayahan. Hindi puwedeng siksikin at punuin, dahil kapag ganu’n ang ating ginawa, pagkakasakit lang ang naghihintay sa atin.
Ganu’n mismo ang nangyayari kay Kris nitong mga huling panahon. Konting allergy lang ay nasa ospital na siya. Konting ubo lang at sipon ay bagsak na siya.
Pero ang pinakamatindi ay ang pagtaas ng presyon ng kanyang dugo, 200/100, hindi birong sitwasyon ang kanyang pinagdaanan.
Hindi na bumabata si Kris, lampas kuwarenta na ang kanyang edad, mararamdaman niya na hindi tulad nang dati ang kapasidad ng kanyang katawan.
Kaya konting hinay-hinay sa trabaho, kalusugan muna bago ang lahat, dahil nag-iisa lang ang ating buhay. Aanhin naman natin ang kayamanan kung kapos na kapos naman sa lakas ang ating katawan?