IBINASURA ng Malacanang ang mga panawagan para sa pagbibitiw ng dalawa sa mga kontrobersiyal na opisyal ngayon na sina Customs Commissioner Bert Lina at Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino.
Iginiit ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) head Secretary Herminio “Sonny” Coloma na nananatili ang tiwala ni Pangulong Aquino kina Lina at Tolentino.
“Sina Commissioner Lina at Chairman Tolentino ay mayroong mabibigat na responsibilidad na sinisikap nilang gampanan sa pinakamahusay na paraan. Sa pagganap ng tungkulin, hindi lahat ng kanilang pinapahayag ay sinasangayunan ng mga naaapektuhan o maaaring maapektuhan ng kanilang mga desisyon o aksyon,” sabi ni Coloma.
Pinagbibitiw si Lina dahil sa kanyang planoy isagawa ang random inspection sa mga Balikbayan boxes, samantalang naglunsad naman ng signature campaign para pagbitiwin si Tolentino sa puwesto sa harap naman ng pangangampanya nito sa kabila ng problema sa trapiko sa Metro Manila.
“Hindi naman makatuwiran na tuwing may hindi pagsangayon, hihilingin kaagad ang pagbibitiw ng mga opisyal na tulad nila. Sa aking pagkabatid, patuloy na nagtitiwala ang Pangulo sa kakayahan nilang dalawa,” giit pa ni Coloma.
—