Jm De Guzman: Minsan nawawala ako sa focus, takot magkamali!

jm guzman

INAMIN ni JM de Guzman na nagkakaroon din sila ng problema ng kanyang girlfriend na si Jessy Mendiola, pero hindi totoong “on the rocks” na naman ang kanilang relasyon.

Nakachika ng entertainment press si JM matapos ang ginanap na celebrity screening para sa bago niyang teleserye sa ABS-CBN, ang All Of Me kung saan kasama niya sina Albert Martinez at Yen Santos, at dito nga niya sinabi na kino-consider niya si Jessy na lucky charm niya sa buhay.

Napakalaki raw ng nagagawa ng aktres sa kanyang career at personal na buhay, “Oo naman si Jessy. ‘Yung love ko sa kanya ay isa mga basehan ko ng love din eh. She inspires me before noong nag start ulit ako, siya ‘yung nagpu-push sa akin na kaya pa yan.”

Sa second chance na ibinigay sa kanya ni Jessy, sana raw ay hindi na siya magkamali o maligaw ng landas, “Dati mas naka-focus kami don sa (baka) mawalan kami ng trabaho.

Ngayon meron na kaming pinapahalagahan at inaalagaan na intimate na sa amin dalawa lang na binibigyan namin ng importansya ‘yun.”

Dito na nilinaw ng aktor ang isyu tungkol sa relasyon nila ni Jessy, hindi raw totoong may pinagdaraanan sila ma- tapos ngang mag-post ng mga emosyonal na quotes ang kanyang GF sa social media tungkol sa pakikipagrelasyon.

Sey ni JM, “Mahilig lang mag-quote ng mga songs talaga si Jessy ever since kahit noon sa BBM (BlackBerry Messenger) ‘yung mga status niya about sa kanta.

Oo, meron din naman po (mga tampuhan) ayun. Siyempre she expects a lot from me so minsan ayon nagbibigay pero ganon eh. Mahal ko siya.”

Samantala, aminado rin si JM na kung minsan ay nawawala siya sa focus lalo na kapag nararamdaman na niya ang matinding pressure dito sa bago niyang serye sa Dos, “Nawawala ako minsan sa dapat kong i-focus kasi minsan kinakain ako ng pressure, takot na magkamali, gusto kong ibigay ang best ko, be true to myself.

Pero sobrang supportive nong team. Naiintindihan nila ako, tinutulungan nila ako.” Dugtong pa ni JM, “Siyempre gusto kong magpasalamat una kay Lord na binigay niya sa akin ‘to, wala na to dapat pero binigay niya sa akin ito.

Sa family ko na umaasa sa akin at sa lolo ko na (masayang) nakita ako ulit sa TV. Para rin sa sarili ko at ma-prove ko sa magiging anak ko na hindi ako bumagsak lang, bumangon din ako.”

Napanood namin ang pilot week ng All Of Me at masasabi naming bagong putahe na naman ito para sa televiewers. Ibang-iba ang tema nito, medyo may pagka-May-December affair ang drama dahil magkakaroon nga ng relasyon dito sina Albert at Yen.

May pagka-fantasy din ang programa dahil sa pag-eksena ng diwata sa isang isla na magiging mahalagang bahagi sa buhay ni Albert na biglang bumalik sa kanyang kabataan na gagampanan nga ni JM.

Sa unang linggo pa lang ng serye ay sandamakmak na agad ang halikan nina Albert at Yen, at may bonus pang love scene sa papag. In fairness, game na game si Yen sa maiinit na eksena nila ni Albert kahit pa sabihing parang tatay na lang niya ito.

Kaya nga nagugulat daw sina JM at Albert sa professionalism ni Yen dahil wala itong kaarte-arte sa trabaho. Sey nga ni JM, “Hands down, sobrang galing ni Yen, sobrang galing nilang lahat.

Sobrang swerte ako na naging part ako ng show.”  Dugtong pa nito, “Kinikilig din ako sobra kay Tito Albert. Alam mo ‘yung sa videoke na may kumanta na sobrang galing tapos ikaw ‘yung next? Parang ayaw ko na lang kumanta, parang ganun ‘yung pakiramdam.”

In fairness, talagang napa- kagaling ni Yen sa mga eksena niya sa serye, kung nagagalingan na kami sa kanya sa Pure Love at sa Oh My G!, mas bumilib kami sa kanya sa All Of Me dahil napaniwala niya kami at ang iba pang nanood sa celebrity screening na talagang in love na in love siya sa karakter ni Albert.

Ito’y sa direksiyon ni Dondon Santos at mapapanood na sa simula sa Aug. 31 sa Kapamilya Gold after It’s Showtime. Makakasama rin dito sina Angel Aquino, Ina Raymundo (na gumanap na asawa ni Albert pero namatay agad), Neri Naig, Ana Capri, Arron Villaflor, Jordan Herrera, Sue Ramirez at Akira Morishita.

Read more...