Isang lalaki ang nasawi habang 31 pa katao ang nasugatan nang araruhin ng
10-wheeler truck ang limang sasakyan sa Kidapawan City, North Cotabato,
Lunes ng gabi, ayon sa pulisya.
Nasawi si Charlie Saldua, driver ng isa sa dalawang tricycle na tinamaan ng
truck na dala ni Jomel Wamar, sabi ni Superintendent Bernard Tayong,
tagapagsalita ng North Cotabato provincial police.
Bukod sa dalawang tricycle, sinalpok din ng trak ang isang Nissan Navara
pick-up, pampasaherong multicab, at Mitsubishi Lancer sedan, sabi ni Tayong
sa isang text message.
Naganap ang insidente dakong alas-7:30 sa bahagi ng National Highway na
sakop ng Brgy. Balindog.
Lumabas sa imbestigasyon na minamaneho ni Wamar ang trak mula Davao
patungong Cotabato, nang biglang magloko ang preno nito.
Nadakip ng mga rumespondeng pulis si Wamar sa isang niyugan malapit sa
pinangyarihan ng insidente, ani Tayong.
Dinala lahat ng 31 sugatan sa iba-ibang ospital sa Kidapawan, aniya.