Abu Sayyaf kinanyon ng AFP; 2 patay, 1 sugatan

abu-sayyaf
Dalawang kasapi ng Abu Sayyaf ang napatay habang isa pa ang nasugatan nang
kanyunin ng mga tropa ng pamahalaan ang isang lugar na pinagtaguan ng mga
bandido sa Patikul, Sulu, kahapon (Martes) ng umaga, ayon sa militar.

Pinaputukan ng artillery ang isang bahagi ng Sitio Masjid Anak-Anak, Brgy.
Sandah, dakong alas-5 matapos maispatan ang isang grupo ng mga sugatang
kasapi ng Abu Sayyaf doon, sabi ni Brigadier General Alan Arrojado,
commander ng Armed Forces Joint Task Group Sulu.

Kabilang sa mga bandidong naispatan sa lugar si Abu Sayyaf sub-commander
Alhabsy Misaya at ilan sa mga tauhan niyang nasugatan sa bakbakan sa
Indanan noong nakaraang Miyerkules (Ago. 19), sabi ni Arrojado sa isang
text message.

“Kasama ang mga wounded, nag-merge sila sa Patikul-based Abu Sayyaf,” anang
opisyal, sabay dagdag na ang mga bandidong mula Patikul ay pinamunuan naman
ni sub-commander Hatib Hajan Sawajaan.

Napatay sa bombardment ang mga taga-Patikul na kasapi ng Abu Sayyaf na sina
Emmar Jawhari, ng Sitio Kanjimao, Brgy. Buhanginan; at Nasser Muhammad, ng
Sitio Kan Emlan, Brgy. Kabbun Takas, ani Arrojado.

Sugatan naman si Ammel Madjid, ng Sitio Kankitap, Brgy. Buhanginan.

Habang kinakanyon ang target, nagpulasan ang ilan sa mga bandido patungo sa
Sitio Pantay Minul, Brgy. Tanum, para makaiwas, kaya nagpaputok naman ng
mortar ang mga sundalo, ani Arrojado.

Dakong alas-8 ng umaga, nadiskubre ng mga kawal ang isang lugar na ginamit
umanong “harboring site” ni Sawajaan at mga tauhan nito.

Natagpuan sa lugar ang isang chain link na may 70 bala ng M60 machine gun,
mga personal na kagamitan, at isang memory card, ani Arrojado.

Sinusuyod pa ng mga kawal ang lugar at ilang karatig lugar pa-timog kung
saan pinaniniwalaang umatras ang mga bandido, aniya.

Read more...