PNoy umaasa pa rin sa Mar-Poe tandem

grace poe
SINABI ni Pangulong Aquino na umaasa pa rin siya na makumbinsi si Sen. Grace Poe na maging running mate ni Interior Secretary Mar Roxas sa 2016 elections.

“Umaasa pa rin kami hanggang sa ngayon. Hindi naman napuputol ‘yung lines of communication, mas bihira na kaming nag-uusap ngayon. Nailahad na naman namin, ‘yung magkabilang panig, kung ano talaga ang, ‘di ba, parang layunin,” sabi ni Aquino sa isang ambush interview sa Cebu.

Samantala, umalma naman si Aquino sa mga alegasyon na ang administrasyon ang nasa likod ng mga pag-atake kay Poe sa harap naman ng pagkuwestiyon sa kanyang citizenship.

“Sa akin lang siguro baka dapat isipin, number one, inaakit namin siya tapos gagawa kami ng black propaganda, parang… Kung saka-sakaling makuha namin siya sasagutin namin ang black propagandang ginawa namin. So, wala yatang sense ‘yon at wala naman sigurong nag-aakusa sa amin na mahina ang magplano,” giit ni Aquino.

Tinawag din ni Aquino na pawang mga intriga lamang ang ibinabato sa Liberal Party (LP).

“Siyempre, panahon ng katakot-takot na intriga, mga katakot-takot na disinformation at lalabas din naman ‘yung katotohanan. Pero ulit, siguro gusto ko lang ipagdiinan, anong pakinabang namin kung gagawa kami ng ganoong bagay?” ayon pa kay Aquino.

Samantala, ibinasura naman ni Aquino ang panukala na siya na lamang ang maging ka-tandem ni Roxas.

“Tandaan ninyo noong una akong tumakbo, sabi sa akin ng mga nagmumungkahing tumakbo ako, ‘Hindi naman namin inaasahan na malulutas mo lahat ng problemang dadatnan mo pero sana maumpisahan mo ‘yung proseso.’ Ngayon kung, ‘di ba, kung—hindi naman sa pagtataas ng bangko, ano, alam ninyo hindi ko gawain ‘yon—pero kung sa atin parati iaasa ‘yan baka hindi tayo nakakatulong doon sa manigurado na tuloy-tuloy itong arangkadang nangyayari sa ating bansa,” sabi ni Aquino.

Read more...