INATASAN ni Pangulong Aquino sina Finance Secretary Cesar Purisima at Customs Commissioner Bert Lina na repasuhin ang planong pagsasagawa ng random inspection sa mga balikbayan boxes matapos namang itong umani ng mga batikos.
“Ngayong hapon mag-re-review kami, I called Secretary of Finance Cesar Purisima and the BOC Commissioner Bert Lina to a meeting as soon as I get back to Manila and to review this whole proposal,” sabi ni Aquino.
Sa kabila naman ng atas ni Aquino, ipinagtanggol niya ang hakbang ni Lina sa pagsasabing layunin nito na makatulong sa kampanya laban sa mga iligal na droga.
“Tapos marami na rin tayong balita na nagpupuslit ng bala, mga baril. Meron pa raw nag-dismantle ng motorsiklo na ‘yung tinatawag nilang big bikes. Hinati-hati sa ilang kahon para makaiwas rin sa dapat na bayaran na multa,” dagdag ni Aquino.
Kinalma rin ni Aquino ang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa harap naman ng pag-alma ng publiko sa balak ni Lina.
“… pipilitin nating ilagay lahat ng safeguards para walang abuso. Pero palagay ko naman wala naman sigurong magmumungkahi na huwag na nating tingnan dahil trabaho ng Customs iyon na pangalagaan ‘yung inaangkat dito sa ating bansa,” ayon pa kay Aquino.
Nauna nang pinag-utos ni Lina ang random inspection ng mga balikbayan boxes na inalmahan naman ng mga OFWs sa iba’t-ibang panig ng mundo.
“Wala naman sigurong nagsasabing ‘sige basta ‘pag balikbayan box e pwedeng nang maipuslit ‘yung droga, pwedeng nang mailabas ‘yung bala, pulbura, piyesa ng baril, ‘yung baril mismo.’ Baka naman totoo nga ‘yung pati ‘yung motorsiklong nahanap ano, ayaw naman nating pumasok ‘yon. Tulungan natin ‘yung Customs na gawin ‘yung kanilang trabaho at siguraduhing — dapat naman raw siguraduhin ng gobyerno na wala namang — ‘di ba, wala namang karapatan ang taumbayan na mapipinsala dito sa paghahabol ng pangangalaga ng kapakanan ng lahat,” giit ni Aquino.