Triathlon trials gaganapin sa Iloilo

MAGKAKAROON ng pagkakataon ang mga triathletes sa Visayas na makita ng personal kung paano lumaro ang mga nanalo ng medalya sa Singapore SEA Games sa gaganaping Philippine National Triathon Trials (PNTT) ngayon sa Iloilo.

Ang mga nagwagi ng ginto sa SEA Games na sina Nikko Huelgas at Claire Adorna  at si Kim Mangrobang, silver medalist ng palaro noong Hunyo, ay kasali sa elite class na maglalaban-laban sa 1.5km swim, 40km bike, 10km run standard distance.

Nasa 300 triathletes ang inaasahang sasali at ang nakararami, lalo na ang mga batang lahok, ay kakarera sa sprint distance (750m swim, 20k bike, 6km run). Ang mga lalabas na may potensyal ay puwedeng kunin ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) para mapabilang sa national pool.

Ang City Government ng Iloilo sa pangunguna ni Mayor Jed Patrick E. Mabilog, Iloilo City Sports Council chairman at Vice Mayor Joe III Espinosa at Senate President Franklin Drilon ang magkakatuwang sa pag-oorganisa ng karerang ito at may basbas ng TRAP at bahagi sa 78th Charter Day Celebration ng Iloilo City.

Sa ganap na alas-6 ng umaga magsisimula ang tagisan sa Joe II garden beach habang ang bike ay iikot sa mga kalye sa siyudad at ang run ay gagawin sa Benigno Aquino avenue.

Nauna nang isinagawa ang paglilinis ng Iloilo River noong Miyerkules.

Read more...