Mga Laro sa Martes
(The Arena, San Juan City)
2 p.m. San Beda vs EAC
4 p.m. Letran vs San Sebastian
NAIPASOK ni Mark Cruz ang mga free throws na ibinigay sa kanya ng wala ng oras upang itakas ng West All Stars ang 89-88 panalo laban sa East All Stars sa NCAA All-Star Game kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Bumangon ang koponang hinawakan ni Letran coach Aldin Ayo mula sa 81-88 iskor at nabigyan si Cruz ng tatlong free throws nang napasabit si Jamil Ortuoste habang pumupukol sa halfcourt line at ang East ay lamang pa ng isa.
Malamig na naipasok ni Cruz ang dalawang naunang free throws para makabawi ang West mula sa pagkatalo sa East sa unang edisyon ng All-Star Game noong nakaraang taon.
Ang panalo ay nangahulugan na hindi pa nakakatikim ng kabiguan si Ayo sapul nang pumasok sa liga sa taong ito.
Si Jonathan Grey ay mayroong 20 puntos, gamit ang 8-of-11 shooting, at ang kanyang magkasunod na triples ay naglapit sa West sa 87-88 sa huling 14.9 segundo.
Tatlong fouls ang ibinigay ng West bago nagtala ng inbound error si Arthur dela Cruz tungo sa winning play ni Cruz.
Dahil sa galing na naipakita, si Grey ang siyang lumabas bilang Most Valuable Player ng laro.
Samantala, kinilala bilang slam dunk champion si Jebb Bulawan ng Lyceuum habang si Mark Cruz ng Letran ang siyang kampeon sa 3-point shootout.
Nilundag ni Bulawan ang mga kakampi sa Lyceum na sina Joseph Gabayni at Shaq Alanes tungo sa two-handed dunk para kumuha ng perpektong 30 puntos mula sa tatlong hurado sa dunk-off nila ni Yankie Haruna ng College of St. Benilde.
Nagkaroon ng extra dunk sa dalawang manlalaro matapos magtabla sa tig-29 puntos sa pagbubukas ng championship round.
Nakaramdam ng pressure, naisablay ni Haruna ang tatlong attempts para sa masamang 15 maximum puntos.
“Naninigas ang left thigh ko noong isang araw pa pero talagang gusto kong makuha ito dahil last year ay natalo ako. First time ko na nanalo sa dunk contest,” wika ng 22-anyos na tubong Sorsogon na si Bulawan.
Kumana si Cruz ng 18 puntos sa finals para maliitin ang hamong hatid ni Wilson Baltazar na gumawa lamang ng siyam na puntos.
Paborito si Cruz na manalo matapos ang 26 puntos sa elimination round habang si Baltazar ay mayroong 22. Ang dating kampeon na si Travis Jonson ay may 21 puntos para mabitiwan ang titulo.
Kinilala naman si Lyra Velches bilang Ms. NCAA para ipagkaloob sa Perpetual Help ang ikalawa nitong titulo.