Dapat magdomina si Slaughter

KUNG magbabalik-tanaw sa rivalry na namagitan kina June Mar Fajardo at Gregory Slaughter, makikitang sa umpisa nito ay naghari si Slaughter.

Kasi, unang pumutok si Slaughter at nagwagi ng dalawang Most Valuable Player awards sa Cebu Schools Athletic Foundation, Inc. (CESAFI) kung saan si Fajardo ang mahigpit niyang katunggali.

Ito nga ang dahilan kung bakit si Slaughter at hindi si Fajardo ang kinuha ng Samahang Basketball ng Pilipinas upang maging bahagi ng training program.

At para hindi mahirapan si Slaughter na pabalik-balik sa Maynila at Cebu, pinag-enrol na lang ito sa Ateneo de Manila University. Matapos mag-residence ay nakapaglaro ng dalawang seasons si Slaughter sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at natulungang magkampeon ang Blue Eagles.

Siya ang pinakadominanteng big man sa UAAP at natural na napakalaki ng potential niya sa Philippine basketball. Marami ang na-excite.

Sa kabilang dako, nang mawala sa CESAFI si Slaughter ay nagningning si Fajardo. Wala na siyang kalaban, e. Mula roon ay naglaro siya sa San Miguel Beer sa ASEAN Basketball League kung saan naging kakampi niya sina Asi Taulava at Eric Menk. Bagamat hindi naman ganoon kahaba ang kanyang playing time ay may nakita ring pangako buhat sa kanya.

Naunang umakyat sa PBA si Fajardo pero hindi kaagad nakapamayagpag dahil sa nagkaroon siya ng injury sa kanyang rookie season.

Pero sa kanyang ikalawang taon ay lumabas na ang tunay na husay ni Fajardo at nahirang siyang MVP. Naulit ang pagiging MVP niya sa sumunod na taon at kitang-kita na nalampasan na nga niya si Slaughter ng milya-milya.

Dapat nga ay nakabilang na si Fajardo sa 40 Greatest PBA players. Pero napakabata pa niya nang magkaroon ng pilian noong Disyembre. Sigurado namang makakabilang siya sa 50 PBA Greatest Players kung magkakaroon ng pilian muli sa 2025.

E si Slaughter?

Well, wide open naman ang pinto para sa improvement kay Slaughter. Marahil ay nanatili lang sa isipan niya na angat siya kay Fajardo dahil sa dami ng kanyang naging achievements noong high school at college pa siya. Marahil ay maagang dumating sa kanya ang tagumpay kung kaya’t hindi  niya minabuting magdagdag ng kaalaman.

Pero puwede pa naman niyang dagdagan. Siya ang pinakamatangkad na manlalaro sa PBA at ngayon mapapailalim siya sa pinakamagaling na coach ng liga. Nalipat na sa Barangay Ginebra si Tim Cone na siyang winningest coach ng PBA. Marami siyang matututuhan dito.

Alam ni Cone na para mabago ang kapalaran ng Barangay Ginebra at muling magkampeon ang Gin Kings, si Slaughter ang siyang susi. Kailangang maging tunay na dominant big man si Slaughter sa PBA. Kailangang mamayagpag si Slaughter para mamayagpag din ang Gin Kings.

Ito ang tiyak na ipauunawa ni Cone kay Slaughter.

At kung isasapuso’t isipan ni Slaughter ang hangaring mamayagpag, tiyak na masusundan din niya ang yapak ni Fajardo. Magiging MVP din siya sa PBA balang araw at baka makasama niya si Fajardo sa 50 Greatest Players.

Iyon naman talaga ang hinihintay na mangyari ng mga PBA fans nang mag-abot sina Fajardo at Slaughter sa professional league.

Hindi ba?

Read more...