Ika-32 taong kamatayan ni Ninoy ginunita

ninoy1
GINUNITA kahapon ang ika-32 taong anibersaryo ng kamatayan ng dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.sa Manila Memorial Park sa Paranaque City.
Dakong alas-11:00 ng umaga nang dumating ang Pangulong Benigno “Noynoy” Aguino III kasama ang kanyang mga kapatid na sina Pinky Abellada ,Balsy Cruz at Viel Dee habang wala naman si Kris Aquino.
Nag-alay ng panalangin at bulaklak ang magkakapatid sa puntod ng kanilang mga magulang.
Magkakatabi ang magkakapatid sa unang hanay ng mga upuan sa harap ng puntod ng kanilang mga namayapang magulang na kung saan nakapalibot sa mga puntod nito ang mga kulay puti at dilaw na bulaklak.
Dumalo rin ang mga kapamilya, kaibigan at kaalyado sa pulitika ng mga Aquino na kabilang sina Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas, Department of Budget and Management (DBM) Sec. Florencio Abad at National Defense Sec. Voltaire Gazmin at dating Manila Mayor Alfredo Lim.
Dumating din sa sementeryo ang Japanese reporter na si Kiyoshi Wakamiya, na isa sa mga journalist na kasama ni Ninoy sa eroplano pabalik ng bansa na ito ay barilin paglapag sa Manila International Airport noong Agosto 21,1983.
Nabatid na taon taon ang dumarating sa Pilipinas si Wakamiya upang dumalo sa paggunita ng pagkamatay ni Ninoy.
Ilan sa mga tagasuporta ng mag-asawang namayapa ang pinayagan makapasok sa loob ng Memorial Park upang makadalo sa pagdarasal at pag-alay ng kandila at bulaklak.
Hindi naman nagbigay ng anumang pahayag ang magkakapatid na Aquino matapos ang pagdarasal.
Si dating Senador Ninoy Aquino ay pinaslang noong Agosto 21, 1983 sa panahon ng diktadura ng dating Pangulong Ferdinand Marcos, na namayapa na rin.
Binaril ng mga sundalo ang dating senador habang papalapag ito ng tarmac sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kung kaya’t si Ninoy ay idineklarang bayani at ang Agosto 21 ay dineklara ring holiday at ang dating Manila International Airport ay ipinangalan sa kanya ngayon dahil dito siya pinatay ng mga sundalo ng administrasyong Marcos.
Samantala nagpatupad naman ng sapat na seguridad ang Paranaque City Police sa loob at labas ng Manila Memorial Park.
Ayon kay Senior Supt. Ariel Andrade,hepe ng Paranaque City Police na naging mapayapa naman ang pagdiriwang ng kamatayan ng dating Senador at wala naman naganap na kaguluhan sa pagpasok ng mga supporters sa loob ng nasabing sementeryo.
-30-

Read more...