Manalo Avenue? Pagisipang mabuti

KINONTRA ng ilang opisyal ng simbahang Katolika ang panukalang batas nina Representatives Candido Pancrudo Jr., (Bukidnon), Diosdado “Dato” Arroyo (Camarines Sur), Pedro Romualdo (Camiguin), Yevgeny Vincente Emano (Misamis Oriental), Jose Aquino II (Agusan del Norte), Antonio Lagdameo Jr. (Davao del Norte) at Rommel Amatong (Compostela Valley) na naglalayong ipangalan sa yumaong Executive Minister ng Iglesia Ni Cristo na si Erano Manalo ang buong Commonwealth ave.
Hindi tayo papanig sa katuwiran ng ilang opisyal ng simbahang Katolika, isa na rito ay tatapat ang kalye sa mga simbahan nila, ang pinakamalaki ay ang St. Peter, malapit sa Sandiganbayan.
Meron tayong puna.  Kapag naging batas ang panukala ay, siyempre, Manalo ave., na ito.  At tulad ng EDSA, Taft, Recto, Imelda at iba pang baradong pangunahing mga kalye, minumura ito ng mga driver at motorista.  Bukod sa barado sa trapik, nariyan din ang mga mangongotong. Tila di angkop na mahanay ang banal na pangalan ni Ka Erdy sa araw-araw na minumura.
Ano sa palagay ninyo?

BANDERA Editorial, 101309

Read more...