Hindi tayo pinarurusahan ng Diyos

MASAKIT ang sinapit ng mga biktima ng baha at landslide sa Northern Luzon gawa ng bagyong si “Pepeng.”
Marami ang nalunod sa baha at nabaun sa landslide.
Sunud-sunod ang trahedya sa ating bansa dahil sa dalawang bagyong sina “Ondoy” at Pepeng.
Dalawang linggo lang ang pagitan ng pagbisita ng dalawang bagyo.
Dahil sa mga trahedya, sinabi sa akin ng isang kaibigan, “Mon, pinarurusahan tayo ng Diyos.”
Ang sagot ko sa kanya, “Hindi nagpaparusa ang Diyos dahil Siya ay hindi humuhusga.”
Ang mga simbahan ang nagsasabi na pinarurusahan ng Diyos ang sangkatauhan dahil sa ating mga kasalanan.
Itinutulad natin sa tao ang Diyos. Ginagawa natin Siyang mapaghiganti, madaling magalit at mapanibugho.
Ang Diyos ay hindi marunong magparusa sa Kanyang mga nilalalang.
Tayo ang nagpaparusa sa ating sarili.
Ang pagbaha at landslides, na kumitil ng maraming buhay, ay dahil sa kagagawan natin.
Binaboy natin ang kalikasan sa pamamagitan ng pagtapon ng mga basura sa ating mga ilog, sapa at kanal; at pagputol ng mga punongkahoy sa ating mga kabundukan at kagubatan.
Ginagantihan lang tayo ng Inang Kalikasan sa ating ginawang kababuyan sa kanya.
Huwag nating sisihin ang Diyos sa ating kahangalan.
*                *                              *
Maaaring masasabi natin na ang mass consciousness o pangkalahatang kaisipan ng mga Pinoy ang isa ring sanhi kung bakit tayo ay bansa ng trahedya.
Sinasabi sa atin ng mga simbahan na tayo’y makasalanan, na ipinanganak tayong may kasalanan na.
Kaya’t hayun pinarurusahan natin ang ating sarili.
Sa paanong paraan tayo parurusahan ng Diyos, ayon sa ating kaisipan?
Sa pamamagitan ng mga trahedya.
At dahil nga makasalanan tayo, sa ating kaisipan, hindi tayo umaasenso dahil nga masama tayo.
Bakit ang mga kalapit nating mga bansa sa Asya ay umaasenso at naiwan tayo?
Dahil ang mga bansang ito ay walang guilt consciousness. Di nila iniisip na sila’y makasalanan.
Thailand, Singapore, Malaysia, Indonesia, Hong Kong. Mas maunlad ang ating bansa noong araw sa mga bansang ito.
Ngayon, kulelat na tayo sa kanila.
Tayo lang ang bansa sa Asya kung saan may mga tao na nagpapapako sa krus o nilalatigo ang sarili sa Mahal na Araw.
Turo sa atin ng mga simbahan na dapat pagdusahan natin ang ating mga kasalanan.
Subconsciously, sinasabi natin sa ating sarili na hindi tayo karapat-dapat na umasenso dahil tayo’y makasalanan.
Dapat nating baguhin ang ating pangkalahatang kaisipan.
Alisin natin ang guilt complex para tayo umasenso at mabawasan ang mga trahedya sa ating bansa.

Mon Tulfo, Target ni Tulfo
BANDERA, 101309

Read more...